Isang pitbull na nakatali sa isang puno na may kasamang liham, nailigtas at tinulungan ng isang lalaki!

Hindi na bago sa atin ang makakita o di kaya naman ay makabalita ng mga inaabandonang hayop tulad na lamang ng mga aso at pusa. Nakakalungkot mang isipin ngunit hindi rin naman natin batid ang sitwasyon o kalagayan ng mga taong nag-aabandona ng kanilang mga alaga.

Sana lamang ay maging responsable sila sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga alaga kapag ginawa nila ito. Tulad na lamang ng pangyayaring ito kung saan mayroon nakitang pitbull na nakatali sa isang puno.

Mayroon pang liham na nakalagay sa puno kung saan makikita ang mga katagang “Take me home”, “I’m a great dog”, “I’m seven years old”, “Don’t let my size scare you. I’m sweet.” Ayon sa mga nauna nang balita, natagpuan ang aso na ito sa isang parke sa Brooklyn.

Habang naglalakad sa parke ang 28 taong gulang na si Eric Maus mula sa Prospect Lefferts Gardens kasama ang dalawa niyang alagang aso ay natagpuan nila ang kawawang aso. Noong una ay sinilip pa ni Eric ang paligid niya kung naroroon pa ang amo nito ngunit wala na siyang nakita kundi ang aso na lamang.

Ang aso na inabandona ng kaniyang amo ay nagngangalang Mamas. Tinulungan siya kaagad ni Eric kahit dala niya ang kaniyang mga aso na sina Gouda at Lily.

Agad niyang kinuhanan ng larawan si Mamas at ibinahagi sa isang Facebook group upang makahingi rin ng tulong. Agad namang may pumunta sa kaniyang kinaroroonan upang sila ay tulungan.

Nadala naman kaagad sa “Sean Casey Animal Rescue” si Mamas. Nang suriin siya ng doktor ay wala namang ibang naging problema kundi ang pagiging “dehydrated” nito.

Kapag nakapasa na siya sa lahat ng medical tests ay maaari na siyang ampunin mula sa naturang shelter. Dalangin din naman ni Eric na sana ay makatagpo siya ng pamilyang magmamahal at mag-aalaga sa kaniya ng husto.