Isang Pinay na nagtatrabaho bilang isang fruit picker sa Australia, kumikita ng halos Php226,000 kada buwan!

Madalas na napapagod at nagsasawa na tayong magtrabaho lalo na kung paulit-ulit lamang ang ating mga ginagawa at hindi naman din tumataas ang ating mga sweldo. Kasabay ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa bansa at pagmahal ng mga bayarin natin buwan-buwan ay tila hindi na natin maranasan ang kaginhawang inaasam natin.

Marami ding nagsasabi na kaya nga raw tayo nagbabanat ng buto at naghahanap-buhay ay upang makapamuhay tayo ng komportable kasama ang ating mga mahal sa buhay. Ngunit tila mas kinakailangan pa nating maghigpit ng sinturon sa mga susunod pang panahon.

Kamakailan lamang ay nagsilbing inspirasyon sa publiko ang isang Pilipina na ito dahil kumikita lang naman siya ng halos Php226,000 kada buwan bilang isang fruit picker sa Australia. Sa ganitong halaga ay mga managers lamang sa malalaking kompanya ang posibleng kumita nito.

Ngunit para sa Pinay na si Mariel Larsen ay nagagawa niyang kumita ng ganito kalaking halaga sa ibang bansa bilang fruit picker. Ayon sa kaniyang naging pagsasalaysay sa isang interview, nakapangasawa siya ng isang Australian na fruit picker ang trabaho.


Dinala siya nito sa Australia at doon sila nanirahan sa isang camper van upang mas madali para sa kanila ang lumipat mula sa isang farm patungo sa isa pa. Kahit pa nga pwede naman siyang hindi na magtrabaho ay mas pinili pa rin niyang magbanat ng buto upang kahit papaano ay makadagdag na rin sa pumapasok na pera sa kanilang munting pamilya.

Maaaring malaking halaga ang kinikita ng mga fruit picker na ito kumpara sa ating bansa ngunit nilinaw din naman ni Mariel na talagang mahirap at sasakitan ka din ng likod sa trabahong ito. Buong araw daw kasi ang pagtayo habang may dala-dalang mabigat na bag.

Gayun pa man ay masaya at kuntento siya sa kaniyang ginagawa lalo na ngayon na mayroon na silang anak ng kaniyang kabiyak na nagsisilbing inspirasyon para sa kanilang mag-asawa na mas magsumikap pa sa pagtatrabaho.