Isang pambihirang aso na hindi iniwanan ang kaniyang amo sa kahuli-hulihang sandali, inalala makalipas ang 150 taon!

Marahil kahit minsan sa ating mga buhay ay nagkaroon tayo ng isang alagang hayop na talagang naging malapit sa ating puso. Ngunit sa paglipas ng panahon ay tatanda at manghihina rin sila hanggang sa kunin na rin sila ng nasa itaas.

Nakakalungkot isipin na hindi kasing haba ng buhay nating mga tao ang buhay ng mga alaga nating hayop partikular na ang mga aso at pusa. Ngunit kahit ilang taon pa ang lumipas ay tiyak na maaalala pa rin natin ang mga alaga nating sumakabilang buhay na.

Mayroon pa ngang iilan na pinatatayuan ng mga estatwa halimbawa na lamang ang estatwa ni Greyfriars Bobby sa Edinburgh, Scotland. Ito ang lugar kung saan makikita ang estatwa ng isang Skye Terrier dog.

Sikat at kilala ang estatwa na ito sa mga lokal at dayuhang turista sa lugar. Kamakailan lamang ay inalala ng mga tao roon ang asong ito sa kaniyang ika-150 taong death anniversary.

Ang pambihirang aso na ito ay walang iba kundi si Bobby. Siya ay isang matapat na aso na naghintay sa libingan ng kaniyang amo sa loob ng 14 na taon bago siya bawian ng buhay.

Ang kaniyang amo ay isang nightwatchman na nakilala bilang si John Gray. TB ang kinamatay nito noong taong 1858.

Dahil dito ay labis na nalungkot si Bobby at sa mahabang panahon ay talagang nakabantay lamang ito sa libingan ni John sa Greyfriars Kirkyard. Kahit pa nga pilit na pinapaalis si Bobby sa libingan na ito ay patuloy at patuloy pa rin siyang bumabalik para sa kaniyang amo na dito nakahimlay.


Dahil sa nakita ng mga taong tapat talaga siya sa kaniyang amo na si John ay hinayaan na rin nila ito na mamalagi rito. Nagtayo rin sila ng munting bahay ni Bobby malapit sa puntod ni John kung saan siya namamalagi.

Umaalis siya rito ng isang beses sa loob ng isang araw upang kumain sa isang café na madalas din nilang puntahan ni John noon. Makaraan nga ang 14 na taon ay pumanaw na si Bobby noong Enero 14, 1872 dahil sa kanser.