Isang netizen ang nagtanong kung bakit nga ba walang malaking bote o produkto ang Yakult at agad naman siyang nakakuha ng kasagutan!

Marahil marami sa atin ang bata pa lamang ay talagang nahilig na sa pag-inom ng Yakult. Isa na yata ito sa pinakamasarap na inumin para sa maraming mga bata noon at hanggang sa ngayon.

Hindi lamang ito masarap at matamis dahil talagang marami ding benepisyo ito sa ating kalusugan. Ngunit sa kabila ng pagiging sikat at patok ng produktong ito, bakit nga ba marami pa rin ang nagtataka kung bakit ang naturang inumin ay maliit lamang ang lagayan at wala nang mas malaki pa?

Ayon sa naturang netizen bata pa raw siya noon hanggang sa ngayon ay di pa rin daw niya alam ang sagot kung bakit walang malaking size ang paborito nating lahat na Yakult. Ang netizen na ito ay nakilala bilang si Roseller Kempis.

Agad din namang sumagot ang naturang kompanya sa kaniya at sinabing hindi talaga sila gumagawa ng malalaking bote nito dahil kailangang maubos ang isang bote nito sa isang upuan lamang o pagkabukas na pagkabukas pa lamang ng bote. Mayroon daw kasing “live culture” ang kanilang produkto at posible itong magkaroon ng kontaminasyon kung hindi ito agad agad na mauubos.


Ang pagkakaroon ng malalaking bote nito ay mas magiging dahilan ng kontaminasyon lalo na dahil sa pagbubukas at pagsasara paulit-ulit ng bote. Dagdag pa ng kompanya, ang kanilang produkto ay nasa 80 ml na bote at naglalaman ito ng tamang bilang lamang ng mga good bacteria para sa ating katawan (8 billion live Lactobacillus casei strain Shirota).

Nakakatulong ito na mabalanse ang mga bacteria sa ating bituka, at mapaganda pa ang ating panunaw. Tunay nga na naging napakalaking tulong sa atin ang paliwanag na ito. Hindi na tayo mag-isip pa bagkus ay kaya na rin nating ipaliwanag ito sa ating mga anak at sa iba pang mga batang mahilig uminom ng Yakult.

Tandaan lamang, huwag magpapasobra dahil lahat ng sobra ay nakasasama!