Isang misis ang nawalan ng asawa at pinilit pang palayasin ng kaniyang bayaw sa mismong bahay nila ngunit hindi nagtagal ay mayroong natuklasan ang misis na siyang nagpabago sa buhay nila ng kaniyang anak!

Hindi biro ang mawalan ng mahal sa buhay. Talagang napakasakit at napakahirap nang ganitong sitwasyon.

Ngunit nagpakatatag ang isang ginang na ito na nakilala ng marami bilang si Lumei. Ilang araw pa lamang ang nakararaan nang pumanaw ang kaniyang asawa ngunit ganoon na lamang ang pagnanais ng kaniyang bayaw na siya ay palayasin sa kanilang tahanan.

Hindi man lamang naisip ng kaniyang bayaw at pamilya ng kaniyang asawa ang maliit nilang anak. Sa tatlong taon nilang pagsasama bilang asawa ay talagang naramdaman ni Lumei ang pagmamahal ng kaniyang mister ngunit hindi inaasahang pumanaw ito dahil sa karamdaman.

Wala na siyang magawa pa kung kaya naman nang palayasin siya nito sa naipundar na tahanan ng kaniyang asawa ay umalis na lamang siya dala ang kanilang anak. Nakahanap naman siya ng maliit na mauupahan nila at nakagawa rin siya ng paraan upang kumita ng kakaunti sa munting negosyo na kaniyang sinimulan.

Isang gabi ay bigla na lamang niyang napanaginipan ang kaniyang asawa at sinabing mayroong dalawang taong tutulong sa kaniya kung kaya naman huwag na siyang magdalawang-isip pa na tanggapin ang kanilang tulong. Nang minsang dumalaw siyang muli sa puntod ng kaniyang nasirang mister ay doon na nga niya nakilala ang dalawang taong gustong tumulong sa kaniya na makapasok siya sa isang magandang kompanya.


Natulungan daw sila noon ng kaniyang asawa kung kaya naman ngayon ay panahon na upang sila naman ang tumulong sa kanilang mag-ina. Bagamat hindi batid ni Lumei kung anong tulong ang kanilang tinutukoy, nabasa niya sa diary ng kaniyang mister na mayroon siyang natulungan noon na nag-aagaw buhay.

Dahil marahil sa kabutihang-loob ng kaniyang asawa kung kaya naman talagang nais silang tulungan ng mga taong ito. Laking pasasalamat din ni Lumei dahil kahit wala na ang kaniyang mister ay patuloy pa rin ang paggabay nito sa kanilang mag-ina.