Isang matapang na aso, iniligtas ang kaniyang amo mula sa isang nakakatakot na mountain lion!

Marami sa atin ang nag-aalaga ng mga hayop hindi lamang dahil ito ang nauuso sa ngayon kundi dahil marami sa atin ang nagnanais din na makasama ang mga alaga nating ito sa araw-araw. Maraming pag-aaral na ang nadiskubre kung saan ang mga hayop ang tumutulong sa maraming mga tao na mabawasan ang kanilang kalungkutan at stress.


Ngunit higit pa pala rito maraming mga tao din ang naililigtas ng kanilang mga alagang hayop mula sa tiyak na kapahamakan. Tulad na lamang halimbawa ng isang babaeng ito mula sa California.

Ayon sa babaeng ito, agad daw na tumalon sa kaniya ang alaga niyang aso nang makita nitong nasa harap niya ang isang wildcat. Ang babaeng ito ay nakilala bilang si Erin Wilson.


Nakatira siya sa rural Trinity County malapit sa Sacramento kung saan siya madalas na naglalakad-lakad kasama ang kaniyang alagang aso na si Eva. Isang araw ay hindi niya inaasahang bigla na lamang silang nakakita ng isang mountain lion.


Nang sumigaw si Wilson ay agad naman siyang tinulungan ni Eva, ang kaniyang Belgian Malinois na dalawa at kalahating taong gulang na. Talagang naglaban ang dalawang hayop at dahil likas na matapang ang mga mountain lion ay nagtamo talaga ng matinding sugat si Eva.
Sinubukan namang tulungan ni Wilson ang kaniyang aso sa pamamagitan ng pambabato nito sa mountain lion. Pinilit niyang tamaan ang mata nito hanggang sa nakalmot siya ng naturang hayop sa binti.


Nang wala pa ring mangyari sa ginawa ni Wilson ay nagdesisyon na siyang tumakbo at humingi ng tulong kung saan nakita niya si Sharon Houston. Sa tulong niya at ng dala nitong PVC Pipe at pepper spray ay naitaboy nila ang mountain lion.

Labis siyang nag-alala sa kaniyang alaga ngunit kalaunan ay nasiguro naman nilang maayos ang kalagayan nito at ligtas siya. Marami siyang tinamong sugat sa mukha ngunit ligtas naman siya mula sa kapahamakan.