Isang masipag na tatay ang nagdala ng kaniyang anak sa kaniyang trabaho dahil ang isa pa nilang anak ay inaalagaan naman ng kaniyang asawa!

Marahil marami ang nag-aakala na ang pag-aasawa at ang pagkakaroon ng sariling pamilya ay madali lamang. Hindi nila alam na talagang napakabigat na responsibilidad nito at matinding sakripisyo ang kakailangan upang mapagtagumpayan ito araw-araw.

Malaking bagay din naman ang pagkakaroon ng katuwang upang mas maging madali at magaan ang mga bagay-bagay lalo na kung mayroon na kayong mga anak. Sa Pilipinas, tipikal nang makikita ang mga nanay na nag-aasikaso at nag-aalaga sa kanilang asawa at mga anak habang ang tatay naman ang siyang nagbabanat ng buto upang masuportahan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ngunit sa ilang mga pamilya, mayroon din namang mga nanay at tatay na parehong nagtatrabaho kung kaya naman nakapahirap na hamon sa araw-araw kung sino ang mag-aalaga at mag-aasikaso sa kanilang mga anak. Isang ama sa Palawan ang hinangaan ng marami nang minsan niyang dalhin sa kaniyang trabaho ang kanilang anak.

Siya ay nakilala sa pangalang Vinz Manalo Bobo na nagbahagi ng ilang mga larawan niya kasama ang kaniyang anak habang nagtatrabaho siya sa Palawan Adventist Hospital sa Puerto Princesa, Palawan. Sa mga larawan ay makikita ang hirap nang trabaho ni Vinz ngunit ginagawa niya ito nang may mga ngiti sa kaniyang mga labi.

Mapapansin din naman na nasa kaniyang likuran ang kaniyang maliit na anak na nakasakay sa isang carrier.

“‘Kapit lang anak ko… Kailangan lang talaga magtrabaho ng papa mo para my pambili ng gatas mo. #backride #joyride #inspired,” Pahayag ni Vinz sa kaniyang post.

Maraming mga netizens ang nakapansin sa post na ito at talaga namang namangha sila sa ginagawa ng ama para sa kaniyang pamilya. Hindi matatawaran ang kaniyang pagsasakripisyo para lamang kumita at matulungan din ang kaniyang asawa na nag-aalaga din ng isa pa nilang anak.

Kinailangan niyang dalhin ang kaniyang anak sa trabaho dahil ang kaniyang misis ay dadalhin naman sa doktor ang isa nilang anak para sa check-up nito.