Isang lalaking palaboy na nakapulot ng pitaka ng isang mayamang negosyante, nakatanggap ng bahay at trabaho matapos niyang isauli ang napulot niyang pitaka!

Sa panahon natin ngayon, ang isa sa pinakamahalagang katangian ng isang tao na talagang hinahangaan ng marami sa atin ay ang katapatan. Hindi kasi lahat sa atin ay kayang maging matapat lalo na kung tayo ay nasa gipit na kalagayan.

Mas madalas na inuuna natin ang personal nating interes kaysa sa maging matapat sa lahat ng pagkakataon. Ngunit aakalain ba ninyong isang lalaking palaboy pala ang magsasauli ng pitaka ng mayamang negosyanteng ito?

Ayon sa ilang mga ulat, taong 2016 pa nang aksidenteng mahulog ni Nitty Pongkriangyos ang kaniyang pitaka. Isa itong Hermes wallet na mayroong laman na THB 20,000 o halos Php30,000.

Para sa marami sa atin, malaking halaga na ito ng salapi at talagang marami na tayong pwedeng mabili. Ngunit para sa palaboy na nakilala bilang si Tatay Warlop, hindi niya naman ito pinaghirapan at hindi niya ito pera kung kaya naman agad niya itong isinauli sa pinakamalapit na estasyon ng pulis.

Nakipag-ugnayan naman ang himpilan ng pulis kay Nitty upang makuha nito ang kaniyang pitaka. Talagang labis siyang nagulat sa balitang ito dahil hindi na niya inaasahan pang maibabalik sa kaniya ang kaniyang pitaka.

Maaari na daw itong itakbo ni Tatay Warlop o di kaya naman ay ipambili ng makakain. Ngunit talagang isinauli niya ito nang walang pagdadalawang-isip.

Dahil dito ay nais siyang pasalamatan ni Nitty at hindi lamang reward money ang nais ibigay nito. Dahil gusto nitong tulungan ang matanda sa abot ng kaniyang makakaya, binigyan niya ito ng matutuluyang apartment at isang maayos na trabaho sa isa sa kaniyang mga kompanya.

Maging ang asawa ni Nitty ay nagpasalamat din kay Tatay Warlop at siyang nagbigay ng isa pang gantimpala dito kung saan ibinili niya ito ng ilang mga damit at gamit sa isang mall. Tunay nga na maraming magandang bagay ang maidudulot sa atin ng pagkakaroon ng mabuting puso.

Sino ba naman ang mag-aakala na makakatanggap ng napakagandang biyaya si Tatay Warlop dahil sa pagsasauli niya ang pitaka ng mayamang negosyante?