Isang lalaking palaboy, ipinagdiwang ang kaarawan ng kaniyang aso sa kalye na talagang umantig sa puso ng publiko!

Madalas ipaalala sa atin ng ating mga magulang, lolo, at lola na dapat ay maging mapagpasalamat tayo sa maraming mga bagay. Halimbawa na lamang sa mga simpleng bagay na mayroon tayo, madalas ay hindi na natin ito nabibigyang-halaga o naipagpapasalamat sa Diyos.

Lingid sa ating kaalaman ay maraming tao sa ngayon ang talagang nangangarap na magkaroon tayo ng simpleng bagay na mayroon tayo. Kamakailan lamang ay marami ang talagang naantig sa kwento ng isang lalaking ito at ng kaniyang mga alagang aso.

Isang human activist na nakilala bilang si David Guerrero, ang nakakita sa kaniya kasama ang mga alaga niya habang nagdiriwang sila ng tila isang birthday party. Sa naturang post na ibinahagi mismo ni Guerrero na talagang naantig siya sa naging pagtrato ng lalaking si Choco sa dalawang alaga nito.

Si Choco ay mayroong dalawang alagang aso na sina Nena at Shaggy. Kaarawan daw noon ni Shaggy kung kaya naman talagang sinikap niyang maghanda kahit ng munting cake lamang upang kanilang pagsalu-saluhan.
Mayroon pa ngang birthday hat na nakasuot sa kaniyang mga alaga. Kapansin-pansin din na kinakausap ni Choco ang kaniyang mga alaga na tahimik namang nakikinig sa kaniya.

Nang matapos na ang kanilang pag-uusap ay saka na lamang hinati ni Choco ang kanilang munting cake at una nang binigyan ang kaniyang mga alaga. Habang kinakain nila ito ay hindi niya napigilang maging emosyonal.

Makikita sa video na nagpupunas ng luha si Choco. Dahil sa nasaksihan na ito ni Guerrero ay nagdesisyon siyang tulungan ang lalaki. Sa halip na bigyan ng pera ay binigyan niya ito ng trabaho at naghanap din siya ng matutuluyan nila kung saan makakasama niya ang kaniyang mga alaga.

Talaga namang napakaganda ng pagtulong na ito dahil tiyak na mababago ang takbo ng buhay ni Choco at ng kaniyang mga alagang aso. Inulan din ng positibong komento mula sa publiko ang naturang post.