Isang lalaking matagal nang naghahanap sa alaga niyang aso, sa wakas ay natagpuan na niya ito makalipas ang tatlong taon!

Marami na sa atin ngayon ang mayroong alagang mga hayop sa ating tahanan. Hindi lamang upang gawin silang mga bantay ngunit upang mas magbigay ng sigla at ligaya sa ating mga pamilya.

Ganoon na lamang ang kagalakan na hatid sa atin ng ating mga alagang hayop ngunit sadyang napakasakit kung sila ay mawawalay sa atin o di kaya naman ay masasawi ng maaga. Talaga namang hindi madali ang mawalan ng alagang hayop sa ngayon na itinuturing na din natin bilang parte ng ating pamilya.

Ito ay naging karanasan mismo ni Giorgi Bereziani nang mawala ang kaniyang pinakamamahal na alagang aso tatlong taon na ang nakalilipas. Siya ay nakatira sa Georgia at isang araw ay hindi na lamang umuwi ang kaniyang alaga.

Labis ang kaniyang kalungkutan at pag-aalala sa pagkawala ni Jorge. Talagang hinanap niya ito ng husto ngunit ilang araw pa nga ang lumipas ay wala talagang nangyari sa kaniyang paghahanap.

Tatlong taon pa ang lumipas at nawawalan na ng pag-asa si Bereziani na matagpuan pang muli si Jorge. Ngunit, isang araw ay bigla na lamang may tumawag sa kaniya.

Isang opera house worker ang tumawag kay Bereziani at sinabi nitong tila nakita niya sa harapan ng kaniyang shop ang kaniyang aso. Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Bereziani ay agad itong pumunta sa lugar.


Nang makita niya ang aso ay agad niya itong tinawag sa kaniyang pangalan at nagulat siya ng dahan-dahan itong lumapit sa kaniya, inamoy-amoy siya at tumalon na nga agad sa kaniya. Laking pasasalamat naman ni Bereziani dahil sa wakas ay natagpuan na niya ang kaniyang alagang si Jorge makalipas ang tatlong taon.

Tunay ngang walang makakapantay sa nakakaantig na tagpong ito sa pagitan ng isang tao at ng kaniyang alaga. Inakala ni Bereziani na hindi na niya makikita pang muli si Jorge ngunit ngayon ay nabigyan pa sila muli ng pagkakataon na magkasama.