Isang lalaking ginawang life jacket ang isang maong at nagawang makatagal sa gitna ng dagat sa loob ng 3 oras hanggang sa makarating ang mga rescuers!

Sa buhay natin, maraming beses tayong makakaranas ng mga sitwasyon na talagang mayroon tayong matututunan. Tiyak na tatatak ito sa ating mga puso at isipan lalong-lalo na kung buhay na mismo natin ang nakataya sa mga sitwasyong ito.

Hindi makapaniwala ang 30 taong gulang na si Arne Murke na ang kaniyang kaalaman patungkol sa paggamit ng maong upang makaligtas sa gitna ng karagatan ay talagang magagamit niya sa tunay na buhay. Ayon sa ilang mga ulat, namamasyal si Arne kasama ang kaniyang kapatid sa Tolaga Bay sa east coast ng New Zealand gamit ang kanilang yate.

Ngunit maya-maya pa ay hindi nila inaasahang tatamaan sila ng isang dambuhalang alon! Tumagilid ang kanilang yate na naging dahilan upang matangay siya sa gitna ng karagatan.

Agad namang naghanap ng paraan ang kaniyang kapatid upang masaklolohan siya at nang makakita ito ng life jacket ay agad niya itong inihagis kay Arne. Sa kasamaang-palad ay hindi ito naabot ni Arne at tuluyan nang natangay ng malakas na alon. Sinubukan ni Arne na manatiling nakalutang sa pamamagitan ng paggalaw ng kaniyang mga binti at paa.

Ngunit napagtanto niya na hindi siya tatagal ng ganito. Dahil mayroon siyang suot na maong ay naisipan niyang gamitin ito para sa kaniyang survival. Hinubad niya ang kaniyang suot na pants at saka niya ito tinali sa magkabilang dulo ng bandang binti.
Nilagyan niya ito ng hangin hanggang sa magmistula na itong “life jacket”. Ginawa niya ito dahil nais niya pang makita ang kaniyang anak na sampung buwang gulang pa lamang.

Buti na lamang at makalipas ang tatlong oras ay nailigtas rin siya ng isang Hawke’s Bay Rescue helicopter. Ang pamamaraang ito ay natutunan daw ni Arne sa mga US Navy seals na ginagawa rin ito bilang isang survival method.

Hindi lamang daw ito makakatulong upang manatili kang nakalutang sa tubig habang nag-iipon ka ng lakas para sa paparating pang tulong.