Isang lalaki sa Japan, maaaring rentahan upang gumawa ng “wala”??

Noon pa man, kilala na ang mga Hapon sa pagiging konserbatibo, magalang, at masipag. Talaga namang naging malaking usapin sa kanila ang overtime na lumalagpas pa nga ng isang oras.

Wala silang reklamo dito dahil kailangan nilang galingan sa kanilang trabaho upang agad silang ma-promote o tumaas ang kanilang posisyon. Sa ngayon ay nagiging maayos na ang mga batas patungkol dito at talaga namang malaki na ang naitulong ng mga batas na ito upang mapahalagahan din nila ang kanilang pamilya at ang kanilang sarili.

Samantala, kamakailan lamang ay naging palaisipan sa publiko ang trabahong ito ng isang lalaki mula sa Tokyo, Japan. Siya ay si Shoji Morimoto, 37 taong gulang na maaaring rentahan mula pa noong taong 2018 “to do nothing”!

Ang bawat session niya ay nagkakahalaga ng 10,000 Japanese yen o halos $96, gastos sa pamasahe at pagkain. Ayon kay Morimoto, nagkaroon na siya ng halos 3,000 mga kliyente. Natural na sa kaniya ang magkaroon ng dalawa hanggang tatlong mga kliyente sa loob ng isang araw.

Bawat isa sa kanila ay pinaglalaanan niya ng dalawa hanggang tatlong oras ngunit maaari din naman daw na madagdagan pa ito.

“During the services, I accompany my customers on whatever they need me for. I answer their questions, listen to them, and nod when needed. It was a little embarrassing in the beginning but I got used to it over time.” Pahayag niya.


Naranasan na daw niyang manuod sa sinehan pagkatapos ay dumiretso sakay sa isang helicopter. Nagtungo na rin daw siya sa Disneyland kasama ang kaniyang kliyente, nakinig sa isang manloloko na umamin sa nagawa nitong kasalanan habang sila ay kumakain.

Nagkaroon na din ng pagkakataon kung saan sinamahan niya ang isang kliyente niyang mag-file ng divorce papers o di kaya naman ay samahan sa ospital ang isang taong muntik nang magpatiwakal. Kung dati ay isa siyang writer, ngayon ay masaya daw siya sa kaniyang trabaho dahil napakarami niyang pwedeng gawin at pwedeng tulungan na tao kahit na presensiya lamang niya ang naroroon.