Isang lalaki na nawalan ng kaniyang asawa, muling ginawa ang photoshoot ng pumanaw na misis kasama naman ang kanilang isang taong gulang nang anak!

Ayon sa karanasan ng mga taong naulila na ng kanilang mga mahal sa buhay, hindi totoong nakaka-move on o nakakalimutan sila sa pagpanaw ng kanilang minamahal. Bagkus ay tila ba nasasanay na lamang sila sa sakit at pangungulilang nararamdaman nila sa araw-araw.

Madalas kasing ang mga taong naiiwan ay siyang nagpapatuloy pa rin ng buhay nila at inaakala ng mga taong nakapaligid sa kanila na tuluyan na nilang nakalimutan ang kanilang mahal sa buhay na sumakabilang-buhay na. Marahil ay kailangan lamang talaga nilang magpatuloy sa buhay para na rin sa mga taong nakadepende at umaasa sa kanila.

Halimbawa na lamang ang single daddy na ito na si James Alvarez. Sa edad kasi na 23 taong gulang ay maagang binawian ng buhay ang asawa niyang si Yesenia Aguilar.

Walong buwang buntis siya noon nang aksidente siyang mabundol ng isang lasing na truck driver. Naging kritikal ang kaniyang kalagayan sa ospital ngunit mapalad namang nakaligtas ang sanggol sa kaniyang sinapupunan na si Adalyn Rose.

Bago pa man pumanaw ang misis ni James ay nakagawa pa sila ng isang napakagandang maternity photoshoot. Dahil dito ay napagdesisyunan niyang gawin itong muli ngunit ngayon ay kasama na ang anak nilang si Adalyn Rose.


Para kay James, nais niyang magkaroon ng isang makabuluhang kaarawan ang kaniyang anak at nais din niyang mabigyan ng pag-alaala at parangal ang kaniyang yumaong asawa. Hindi rin napigilan ni James na maging emosyonal habang sinusulyapan niya ang kanilang anak na talagang kamukhang-kamukha ng kaniyang asawa.

Hindi man sila nabigyan ng pagkakataon na magkasama ay tiyak na nakatanaw ang kaniyang misis sa kanilang dalawa at palagi silang ginagabayang mag-ama. Ang mahusay na photographer ay nakilala bilang si Grisel Leyva ang siyang nagbigay ng ideyang ito kay James.

Si James din ang nagbihis at nag-ayos sa kaniyang anak upang maging napakaganda nito sa kaniyang mga larawan.