Isang lalaki ang bumiyahe gamit lamang ang kaniyang bisikleta ng halos 3,977 miles sa loob ng 5 buwan makasama lamang ang kaniyang misis sa Sweden!

Marahil marami na rin sa atin ang nakapanuod ng pelikulang “The Notebook” na talaga namang tumatak at umantig sa puso natin. Sino ang mag-aakala na may ganitong klase din pala ng kwento sa tunay na buhay?

Taong 1949 nang isilang sa India si Pradyumna Kumar Mahanandia. Ang kaniyang pamilya ay nabibilang sa pinakamababang antas ng kanilang lipunan at talagang mahirap ang naging buhay nila.

Sa kabila nito ay nabiyayaan siya ng isang pambihirang talento, ang pagpipinta. Kahit na nga mahirap lamang sila ay nagawa niyang makapag-aral sa “University of the Arts” sa New Delhi.

Hindi nagtagal at nakilala rin nang husto ang kaniyang mga obra. Taong 1975 naman ng mabatid ng 19 na taong gulang na si Charlotte Von Schedvin ang pambihirang talento na ito ni Pradyumna.

Kahit kabilang siya sa isang mayaman at kilalang pamilya sa kanilang bayan ay talagang ginusto niyang magpapinta sa tanyag na si Pradyumna. Mula England ay bumiyahe siya at dinayo ito upang makapagpagawa ng kaniyang larawan.

Dito na nga nagsimula ang kanilang pag-iibigan. Labis na namangha si Charlotte sa pagiging simple at mabuting tao ni Pradyumna.

Kahit pa napakaraming naging hadlang sa kanilang pagpapakasal ay napagtagumpayan nila ang lahat ng ito. Sa kasamaang-palad ay kinailangan ni Charlotte na bumalik sa Sweden taong 1978, gusto niya sanang isama ang kaniyang asawa ngunit hindi ito pumayag.

Ang nais ni Pradyumna ay makapagtapos silang dalawa ng pag-aaral nila kung kaya naman hinayaan na rin niyang bumalik sa kanila si Charlotte. Nangako din siya na kapag nakapagtapos na sila ay hahanapin niya ito.

Hindi nagtagal ay nakapagtapos na rin ng pag-aaral si Pradyumna at panahon na upang puntahan ang kaniyang asawa. Ibinenta niya lahat ng kaniyang pagmamay-ari at binili ng isang bisikleta na kaniyang ginamit sa pagbiyahe mula India hanggang Sweden!

Hindi niya alintana ang 3,977 miles na nilakbay niya sa loob ng limang buwan makasama lamang ang minamahal niyang kabiyak!