Isang kawawang aso na inabandona ng kaniyang mga amo, ilang buwan nang naghihintay na muli siyang balikan ng mga ito, umaraw man o umulan!

Talaga namang kahabag-habag ang kalagayan ng aso na ito na iniwanan at inabandona ng kaniyang mga amo sa isang lugar. Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin umaalis ang aso sa naturang lugar na tila ba talagang inaabangan ang pagbabalik ng kaniyang mga amo.

Sa loob ng ilang buwan ay naroroon lamang ito at aalis lamang kung maghahanap ng pagkain. Umulan man o umaraw ay makikita sa iisang pwesto lamang sa highway sa Ipoh Perak, Malaysia.

Sa Instagram account ng @pawsome.rescue.aid ay makikita ang larawan at ang naging post nila patungkol sa naturang aso.

“Please don’t ever get a dog if you are only gonna dump it. This doggy has been there in the same spot for months (rain or shine) waiting for his owner to take him back.” Caption nila sa kanilang post.

Mayroon na ring iilan na ginustong tulungan ang aso na ito ngunit talagang napakailap niya at ayaw sa ibang tao. Pagkatapos niyang makahanap ng makakain sa lansangan ay bumabalik siya sa pwestong ito.

Isa lamang ito sa napakaraming kaso at napakaraming pagkakataon na nakakakita tayo ng mga aso at iba pang hayop na inabandona ng kanilang mga amo. Madalas na ang mga hayop na alaga natin ay talagang matapat at pamilya na ang turing sa atin.

Maging ang sariling buhay at kaligtasan nila ay handang nilang ialay sa kanilang mga amo ngunit marami pa rin sa mga taong ito ang walang pakialam sa kanila. Isang malaking obligasyon ang pagkakaroon ng mga alagang hayop dahil hindi lamang pagpapakain sa mga ito ang ating responsibilidad kundi ang kanilang buhay at kaligtasan.

Sana ay mas maraming mga tao pa ang mag-ampon o mag-adopt na lamang ng mga hayop sa animal shelter kaysa bumili ng mga imported na hayop sa mga pet shops na libo-libo ang inaabot na halaga. Sa paraang ito ay mas mabibigyan pa ng bagong buhay at bagong pamilya ang mga asong inabandona na ng kanilang mga pamilya noon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *