Isang kanal na 200 taon na ang tanda, inalisan ng tubig upang linisan at mayroon palang napakaraming bagay na nakalubog dito!

Nakakalungkot isipin na sa kabila ng napakaraming magagandang lugar dito sa Pilipinas, isa na marahil sa problema natin ay ang wastong pagtatapon ng basura at kalat sa ating kapaligiran. Ang hindi wastong pagtatapon ng kalat sa ating paligid ay nagiging dahilan upang masira ang ating mga likas na yaman.

Maging ang mga hayop na naninirahan dito ay apektado din ng kawalan natin ng disiplina at pagiging iresponsable. Kamakailan lamang ay maraming mga netizens ang nakapanuod ng isang video kung saan nililinis ang isang kanal sa Paris.

Ang Paris ay kilala sa tawag na “City of Light” at talaga namang isa sa mga dream tourist destinations ng marami sa atin. Isa na rin marahil sa pinakasikat na tourist attraction dito ay ang kanilang Eiffel Tower. Marami ang hindi nakakaalam o nakakakilala sa Canal Saint-Martin na 200 taon na ang tanda na matatagpuan din sa siyudad na ito.

Taong 1802 nang itayo ang naturang kanal sa utos na rin ni Napoleon Bonaparte. Ito ay sa kadahilanang nais niyang pagmulan ito ng magiging inumin ng siyudad. Ngunit nabuksan lamang ito makalipas ang 23 taon.

Taong 2001 naman nang huling beses itong malinis. Makalipas ang 15 taon ay muli nilang nilinis ang naturang kanal kung saan binabaan muli ang lebel ng tubig dito.

Maraming nakuhang tone-toneladang isda dito. Halos nasa 4.5 tonelada din ang kanilang nakuhang isda habang isang toneladang basura naman ang sumunod.


Marami ding basyo ng bote dito at mga plastic. Nang tuluyan nang bumaba ang tubig ay laking gulat ng mga taong naroroon dahil marami ding bisikleta at motor na natagpuan sa kanal!

Mayroon pang isang inodoro na lumitaw na hindi rin nila batid kung paano napunta roon. Sa ngayon ay palaisipan pa rin sa otoridad kung paanong nagkaroon ng mga ganoong uri ng bagay sa naturang kanal.

Ngunit marami din naman ang mga taong nagpapasalamat dahil sa wakas ay nalinis na ang kanal na kalaunan ay inaasahang magiging atraksyon din sa mga susunod pang panahon tulad na lamang ng ibang mga kanal sa Europa.