Isang isla sa Bohol, pinuntahan ng isang animal lovers group matapos nilang mabalitaan na dito pala dinadala ang mga pusa at asong ligaw!

Marahil ay napakarami na nating nababalitaan ngayon na mga balita patungkol sa Climate Change, Global Warming, polusyon, at marami pang iba. Talaga namang nakakabahala ang mga usapin na ito lalo na kung daragdagan pa ito ng mga balita patungkol diumano sa pagkagunaw ng mundo o “end of the world”.

Bago pa man tayo mangamba sa mga bagay na wala pang kasiguraduhan talaga sa ngayon, mas nararapat naman talaga na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na nagaganap na tulad na lamang halimbawa ng nakakaawang kalagayan ng mga hayop na ito sa isang isla. Ayon sa mga residente malapit sa isla, ang Gak-ang Island raw ang nagsisilbing tirahan ngayon ng mga pusa at mga asong gala.

Nakakapagtaka naman talaga dahil wala namang nakatira sa isla na iyon ngunit parami ng parami ang mga pusa at aso na inaabandona roon. Dahil nga karamihan sa mga hayop na matatagpuan sa isla ay mga pusa, tinawag itong Cat Island.

Isang animal group naman na nakilala bilang “Bohol Cat Clowders” ang nagdesisyon na puntahan ang naturang isla upang makita ang kasalukuyang kalagayan ng mga hayop na naroroon. Ayon sa social media post ng netizen na si Lei Xse, ninais nilang tulungan ang mga pusa sa naturang isla kung kaya naman tinawid nila ito.

Nilinaw din niyang kahit Cat Island ang tawag dito ay marami ding makikita na mga aso rito.


Nalungkot lamang sila ng husto dahil sa walang mapagkukunan ng pagkain ang mga hayop dahil sa wala namang naninirahan sa naturang isla.

Nangangamba rin sila na walang ibang pagkain ang mga hayop na ito kundi mga damo o palumpong lamang. Talagang kapansin-pansin na sobrang payat ang mga ito at mayroon pang mga pusa na buntis kung kaya naman talagang mas dadami pa ang kanilang bilang rito.

Sa kanilang pagpunta sa isla ay nagdala naman sila ng mga pagkain ng mga aso at pusa na kanilang nakita ngunit batid nilang hindi ito sasapat. Kung kaya naman nanawagan at humingi rin sila ng tulong sa social media para sa mga magnanais ding tumulong sa mga aso at pusang ito.

Source: boholislandnews