Isang inahing manok ang ginawang pananggalang ang kaniyang sarili para sa mga sisiw nito sa gitna ng malakas na ulan!

Sa panahon natin ngayon, uso pa ba ang pagiging malambing at malapit ng mga anak sa kanilang mga magulang lalo na kung nagkakaedad na rin sila? Madalas nating marinig ang kasabihan na habang lumalaki at tumatanda tayo ay nakakaligtaan nating tumatanda na rin pala sila!

Tila nawawalan na tayo ng oras at panahon sa kanila dahil sa pagiging abala natin sa maraming mga bagay. Isang video mula sa India ang nakapukaw sa atensyon ng publiko kung saan nagpapakita ito ng tunay at wagas na pagmamahal ng mga inahing manok sa kanilang mga malilit na sisiw.

Kahit kasi mabasa ng matinding ulan ang inahing manok ay ayos lang sa kaniya. Basta’t maprotektahan niya ang kaniyang mga malilit na anak. Tila ba siya ay isa rin sa ating mga magulang na uunahin ang kapakanan ng kaniyang mga anak bago ang kaniyang sarili.

“This video was taken at a local fish market when there was heavy rain, we can see mother’s love in the nature [sic] way. A hen protecting its chicks in heavy rain.” Pahayag ang netizen na nagbahagi ng naturang larawan ng inahing manok at mga anak nito.

Tunay nga na marahil noong mga bata pa tayo ay hindi natin alintana ang mga paghihirap at pagsasakripisyo ng ating mga magulang para sa atin. Araw-araw silang nagbabanat ng buto para lamang mayroong perang maiuwi sa ating mga tahanan na pambili ng makakain at mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.

Marahil sa ngayon ay hindi na natin ito naaalala o marami na sa atin ang tila nababalewala ang mga sakripisyong ito ngunit sana ay magsilbing inspirasyon ang inahing manok na ito sa larawan na talagang ginagawa ng ating mga magulang ang lahat para lamang sa ating kapakanan. Hindi nila alintana ang kahit ano mang hirap at pagod dahil ang prayoridad talaga nila ay ang kanilang mga anak.