Isang hero dog na nagligtas sa buhay ng bagong silang na sanggol, nakatanggap ng tulong mula sa PAWSsion!

Si Blacky ay isang hero dog na siyang nagligtas sa isang bagong silang na sanggol mula sa matinding kapahamakan. Ang walang malay na sanggol na ito ay inabandona sa isang tambakan ng basura sa Cebu City.

Ayon sa mga nauna nang ulat, ang sanggol na lalaking ito ay una nang natagpuan ng isang motorcycle rider sa Brgy. Magcagong bago mag-tanghali nang araw na iyon. Ibinahagi ng rider na si Junrell Revilla na mayroong isang asong kulay itim na tila nagsasabi sa kaniya na sundan siya nito sa isang tambakan ng basura.

Doon na nga niya nakita ang sanggol na nakabalot ng isang brown na twalya habang mayroon naman itong katabing plastic bag kung saan naroroon ang placenta nito. Matapos ang naturang insidente, ninais ng “PAWSsion project” na makapagbigay ng gantimpala o reward sa asong si Blacky.

Sina Gea at Kevin ang siyang nakahanap sa asong ito. Natuklasan nilang hindi pala isang asong kalye si Blacky dahil siya ay mayroong amo. Ito ay si Lyndon Olingay na mayroong apat na mga anak at tatlong mga apo. Maliban kay Blacky ay mayroon pang siyam na mga aso ang pamilya ni Lyndon.

“We will also tap a vet who can go onsite to check the dogs, have them vaccinated and spayed and neutered. We also wish to send 2 sacks of rice, groceries, and milk for the family and dog food for the dogs,” Pahayag ng grupo.


Maliban dito ay nagbabalak din ang grupo na makalikom ng Php50,000 kung saan ang Php25,000 ay mapupunta para sa vet, spaying, at neutering. Ang matitirang kalahati naman ay para sa mga pangangailangan ng mga aso ni Lyndon.

Samantala, marami naman ang mga netizens na humanga sa grupong ito at nagpadala ng kanilang mga tulong-pinansiyal. Makalipas ang ilang minute ay nakalikom na sila ng sapat na halaga para sa proyekto na ito para sa asong si Blacky at sa kaniyang buong pamilya.