Isang guro, ibinigay ang kaniyang sapatos sa estudyante niyang magtatapos dahil sira na ang pares ng sapatos nito!

Hindi na bago sa marami sa atin ang paghahanda sa ating pagtatapos. Matagal kasi natin itong hinintay bilang mga mag-aaral lalong-lalo na ang ating mga magulang.

Ngunit paano nga ba kung walang kakayahan ang ating mga magulang na ibigay sa atin ang mga bagong sapatos at damit para sa espesyal na araw na ito. Tama bang tayo ay magtampo sa kanila o magtiis na lamang sa kasalukuyang sitwasyon at maging mapagpasalamat dahil sa wakas ay masusuklian na rin ang pagsasakripisyo natin at ng ating mga magulang?

Kamakailan lamang, isang guro ang talagang umani ng maraming papuri at magagandang komento mula sa publiko. Siya ay nakilala bilang si Christian Carpio mula sa Labuan Central School sa Labuan, Zamboanga City.

Kasalukuyang idinaraos ang pagtatapos sa kanilang paaralan ng mga oras na mapansin ng guro ang isa sa kaniyang mga estudyante na nakasuot ng sirang pares ng sapatos. May nakalagay na lamang na scotch tape dito upang patuloy pa itong magamit.

Agad agad namang ibinigay ng guro ang kaniyang sapatos sa estudyante bago pa man siya makuhanan ng kaniyang graduation picture. Samantala, ibinahagi naman sa social media ng kaniyang kapwa guro na si Van Nessa ang kaniyang ginawa dahil labis siyang naantig dito.


“Godbless you doi Zion Xian.. bili na lng u ulit shoes,” Caption ni Teacher Van Nessa sa kaniyang post.

Hangad ni Teacher Christian na magbahagi ng inspirasyon sa publiko na kung kaya namang tumulong sa kapwa ay huwag nang magdalawang-isip pa na gawin ito. Dahil tiyak na makakatulong at magkakaroon ng magandang resulta ito hindi lamang sa taong natulungan kundi sa ibang tao rin na makakabatid ng magandang gawaing ito.

Sa panahon natin ngayon na hindi na napapahalagahan ang maraming mga bagay, huwag sana nating kalimutan na marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Gayundin naman sa mga taong handang tumulong at maging inspirasyon sa mas nakararami.