Isang endemic na baboy ramo natagpuan sa Mt. Apo Natural Park, nagpapahiwatig ito ng muling panunumbalik ng populasyon ng naturang mga hayop!

Mapalad ang Pilipinas dahil marami tayong magagandang mga destinasyon dito sa bansa. Hindi na nakapagtatakang maraming mga dayuhang indibidwal ang nagnanais na manirahan at magretiro sa ating bayan.

Maliban kasi sa napakagandang mga tanawin ay hindi rin ganoon kamahal ang pamumuhay dito lalo na kung nagmula sila sa mga mayayamang bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo. Hindi lamang makapigil-hiningang mga lugar ang mayroon tayo dito sa Pilipinas dahil mayroon din tayong higit sa 8,000 mga species ng bulaklak at halaman at higit sa 200 species ng mga mammals.

Kamakailan lamang ay marami ang namangha dahil sa namataang “Sus philippensis” o Philippine warty pig sa Mt. Apo Natural Park.

Ito ay natuklasan mismo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Davao dahil sa kanailang annual Lenten climb monitoring. Ayon din sa naturang ahensiya, ang pangyayaring ito ay isang magandang senyales dahil sa nangangahulugan itong “progressive natural recovery of the peak area.”

Ang mga wild pigs na ito ay kilala rin sa tawag na baboy ramo o baboy-ihalas. Noon pa man ay endemic na sila sa ating bansa at isa sa mga kritikal na species na unti-unti nang nauubos.
Pinaalalahanan din naman ng DENR ang publiko na panatilihin ang distansiya sa mga ganitong uri ng hayop kung sakali makakakita sila ng mga ito. Huwag din daw subukang pakain ang mga wild animals tulad ng babay-ihalas.

Tunay nga na napakahalagang magtulong-tulong ang bawat isa sa atin upang mas mapanatili pa natin ang kagandahan ng ating kapaligiran at ng mga hayop na naninirahan dito. Huwag na sana nating hintayin pa na tuluyan nang masira o di kaya naman ay maubos ang mga hayop na dito lamang matatagpuan sa ating bansa.

Bagamat marami ang nagsasabing huli na ang lahat upang umaksyon pa ang bawat isa sa atin, wala pa rin namang masama kung susubukan nating matulungan ang ating Inang Kalikasan, hindi ba?