Isang domestic helper na nagpursige at nagsumikap na makapag-ipon, mayroon na ngayong pagmamay-ari na 1,700 sqm na lupa!

Marami sa atin ngayon ang talagang nagsusumikap sa trabaho upang mabili natin ang lahat ng ating pangangailangan. Nais din nating masuportahan ang ating pamilya at ang mapagtapos ang ating mga anak.

Nakakalungkot lamang na hindi lahat ng Pilipino ay ganito ang mentalidad dahil hindi naman lingid sa ating kaalaman na marami pa rin sa ating mga kabataan ngayon ang tila nasanay nang umasa at dumepende sa kanilang mga magulang. Hindi na rin nabibigyan ng kahalagahan ang pagsusumikap sa trabaho, pagtitipid ng maayos at pag-iimpok.

Ngunit para sa isang domestic helper na ito, lahat ng pera na kaniyang kinikita at pinaghihirapan ay talaga namang napakahalaga. Siya ay ang 50 taong gulang na si Zally Terencio. Siya ay isang domestic helper sa Bahrain.

Talagang nagsumikap siya at nagpagal para maisakatuparan niya ang kaniyang pangarap na makabili at makapagpundar ng sarili niyang lupa. Nakabili siya ng 1,700 square meter ng lupa sa kaniyang probinsiya sa Negros.

Naibahagi din ni Zally na bagamat maraming mga nakakalungkot na pangyayari patungkol sa mga malulupit na employer sa ibang bansa, laking pasasalamat niya pa rin dahil napunta siya sa mga mababait niyang amo na pamilya na rin ang turing sa kaniya.

“Hindi iba ang turing nila sa akin. Lagi ako nila kinakausa at tinatanung tungkol sa family ko sa Pinas kung kamusta daw ba,” Pagkukwento ni Zally.

Maliban sa magandang turing sa kaniya ng kaniyang amo ay laking pasasalamat din niya sa mga ito dahil naisasama siya sa pamamasyal nila sa maraming mga magagandang bansa sa buong mundo.

“Nakapunta na ako ng Las Vegas, Dubai, Lebanon, Miami, Oman kasama sila tapos pag nag picture sila sinasama ako,” dagdag pa niya.

Sa ngayon ay malapit na niyang mabayaran ng buo ang binili niyang lupain sa negros at dalawang taon na lamang ay maaari na siyang makauwing muli sa kaniyang pamilya. Maliban sa tagumpay niyang ito ay laking pasasalamat din niya dahil napagtapos na niya ang kaniyang anak sa kolehiyo at ngayon ay may maganda na ding trabaho.