Isang diver mula sa Japan, nagkaroon ng kaibigang isda sa binabantayan nitong shrine sa loob ng 25 taon!

Tipikal na lamang sa atin ang pagkakaroon ng pet na aso o di kaya naman ay pusa. Marami din sa ating mga Pilipino ang mayroong alagang ibon o mga isda.

May iilan pa nga na interesadong mag-alaga ng mga exotic na mga hayop. Mayroon tayong kaniya-kaniyang dahilan kung bakit nag-aalaga tayo ng mga ganitong klase ng hayop.

Maaaring nais lamang natin na kasama sila sa bahay o di kaya naman ay pangtanggal ng stress mula sa trabaho. Talaga namang masarap sa pakiramdam ang magkaroon ng isang alaga o pet.

Ngunit tila kakaiba ang naging pagkakaibigan ng isang Japanese diver na ito at ng isang isda! Nagsimula ang kanilang pagkakaibigan nang maitalagang tagapangalaga ng isang “Shinto shrine” si Hiroyuki Arakawa na kung tawagin ay Torii.

Hindi tulad ng ibang mga shrine sa Japan na matatagpuan sa isang napakagandang kapaligiran, ang shrine na ito ay matatagpuan sa ilalim ng tubig sa mismong Tateyama Bay. Dahil sa tagal na rin niyang pangangalaga sa sagradong lugar na ito ay halos alam at kilala na niya ang bawat isdang naroroon.

Tulad na lamang ni Yoriko na isang Asian sheepshead wrasse fish. Nasaksihan pa nga sa isang video ang kanilang pagkakaibigan kung saan madalas batiin ni Hiroyuki ng halik ang kaniyang kaibigang isda.


Mayroon din namang ilang pag-aaral na nagsasabing may kakayahan ang mga isda na makakilala ng mukha ng mga tao.

“They are trained to spit at which picture that shows face they are familiar with,” pahayag ni Dr. Cait Newport mula sa University of Oxford sa naging panayam sa kaniya noon ng CNN.

Kahit pa nga ginawang “black and white” ang mga larawan at nilagyan ng pagbabago na halos 86% ay nagawa pa ring makilala ng isda ang mga larawan. Isang pag-aaral pa ang nagsasabing ang mga hayop tulad ng mammals, birds, at reptiles ay mayroong kakayahang makaramdam o magkaroon ng “feelings”.

Wala pang patunay na maging ang mga isda ay may ganito ring kakayahan. Sa kabila nito ay marami pa rin ang talagang namamangha sa pagkakaibigan nina Yoriko at Hiroyuki.