Isang delivery rider, nag-online exam habang hinihintay ang mga pagkaing order ng kaniyang kostumer labis na nagpabilib sa publiko!

Edukasyon ang isa sa pinakamahalagang pamana sa atin ng ating mga magulang. Ngunit paano nga ba kung sa hirap ng buhay ay hindi nila tayo kayang pag-aralin?

Susuko na lamang ba tayo, magmamaktol, magmumukmok, o di kaya naman ay gagawa ng paraan upang matupad pa rin ang ating mga pangarap? Nito lamang ika-11 ng Abril, 2022 ay napabilib ng isang delivery rider ang publiko dahil sa pagsusumikap nito sa kaniyang pag-aaral.

Ayon kasi sa post ni Loyd Tolentino na isang assistant manager ng fast-food restaurant, nagtataka siya nang araw na iyon dahil tila hindi pa kinukuha ng isang delivery rider ang mga pagkain na order ng kaniyang mga kostumer. Madalas kasing nagiging dahilan ito upang mag-complain o magreklamo ang ilang mga kostumer kung kaya naman nilapitan niya muna ang naturang rider upang kausapin.

Laking gulat niya dahil mayroon itong hawak na dalawang cellphone at tila seryosong-seryoso sa kaniyang ginagawa. Dito niya nalaman na kasalukuyan pala itong nagsasagot ng online exam.

Nang kausapin niya ito ay pinaalalahanan din niyang baka magalit ang kaniyang mga kostumer kundi nila agad makukuha ang kanilang inorder na pagkain. Siniguro naman ng rider na si Jayson Bangayan, 22 taong gulang na nag-abiso siya at nagpaalam sa kanila na medyo matatagalan ang kanilang order dahil sa kaniyang online exam.


Pumayag naman daw ang mga ito at nag-reply pa ng “good luck” sa kaniya. Hindi rin naman daw nagtagal ng 5 minuto at natapos din ang rider sa kaniyang exam kung kaya naman agad na niyang inihatid ang mga order sa kaniyang pagkain.

Sa ngayon ay mayroon nang mahigit sa 159,000 reactions at 40,000 shares ang naturang post na nagbibigay inspirasyon sa maraming mga Pilipino lalo na sa mga kabataan na mas pahalagahan pa ang kanilang pag-aaral. Dahil hindi naman lahat ay nakakaranas ng maraming pribilehiyo habang nag-aaral.