Isang dating tindera ng isda at domestic helper ngayon ay isa nang school owner sa England!

Isang dating fish vendor at domestic helper ang nagbigay inspirasyon sa publiko dahil sa kaniyang pagsusumikap at pagtitiyaga ay isa na siyang ganap na school owner sa England. Nais niya ring magsumikap ang maraming mga Pilipino upang tulad niya ay maging matagumpay rin sila sa buhay.

Minsan nang naibahagi ang kwento ng buhay ng Pilipinang si Nova Fossgard sa ABS-CBN news. Siya ay 46 taong gulang na ngayon ngunit hindi pa rin niya nalilimutan kung saan siya nagsimula.

Noon ay isa siyang fish vendor sa Tukuran, Zamboanga Del Sur. Ang kaniyang ama ay isang mangingisda habang housewife naman ang kaniyang ina. Sa murang edad na limang taong gulang ay talagang namulat na siya sa hirap ng buhay.

Kahit hindi naging madali ang buhay nila ay nakapagtapos din naman siya ng Accounting course sa Southern Mindanao College noong 1991. Pagkatapos nito ay nakipagsapalaran siya sa Singapore bilang isang domestic helper.

Nais niya kasing makatulong sa kaniyang mga magulang at mapag-aral na din ang kaniyang mga kapatid na lalaki. Nang makatungtong siya sa Singapore ay talagang nagtrabaho siya ng husto, kahit sa araw ng kaniyang day-off ay talagang nagtatrabaho pa rin siya o rumaraket para lamang may dagdag siyang kita.


Habang nasa Singapore ay nakatanggap siya ng isang job offer mula sa dati niyang amo kung saan nais nitong paalagaan ang kaniyang “octogenarian mother” na nasa England. Agad naman niyang sinunggaban ang pagkakataon na ito at dahil nga sa pagpunta niya sa naturang bansa ay nakilala niya ang kaniyang mister na si Jan Fossgard, isa siyang journalist na nakapagtapos ng kaniyang “undergraduate” at “master’s degrees” sa University of Oxford.

Taong 2006 ay talagang nawalan ng trabaho ang mag-asawa at naging matinding hamon ito sa kanila. Buti na lamang at sumubok mag-apply si Jan sa Purley Language College sa Purley bilang isang guro.

Natanggap naman siya at talagang nagustuhan niya ang kaniyang trabaho roon. Inalok din siya ng mga may-ari na bilhin na lamang ang eskwelahan dahil nais na nilang magretiro.

Mahirap man ay talagang nagawan nila ng paraan at sa ngayon ay isa nang kilala at matagumpay na paaralan ang eskwelahang ito ng mag-asawang Jan at Nova.