Isang dating office girl na nawalan ng trabaho noon, nagsumikap at hindi sumuko sa buhay, mayroon na ngayong poultry farm na nakakapag-produce ng 400 na itlog araw-araw!

Isa na marahil sa pinakamahirap at pinakamabigat na pagsubok na ating naranasan nitong mga nagdaang taon ay ang pandemya na talagang sumubok sa katatagan nating lahat. Hindi lamang mga empleyado ang labis na naapektuhan kundi maging ang mga negosyante at mga negosyong nalugi at tuluyan nang nagsara.

Isa na nga sa mga apektado nito ay ang dating office girl na si Tess Villanueva. Kung dati ay nagtatrabaho siya bilang isang executive sa Maynila, ngayon ay isa na siyang full-time farm/poultry owner.

Minsan na rin niyang inamin na talagang nasanay siya sa madaling buhay noon sa siyudad kung saan madalas ay pakape-kape na lamang daw siya. Ngunit nang maranasan niyang maging isang farm owner ay talagang dito niya naranasan ang tunay na kaligayahan at pagiging kuntento sa buhay.

Marami din daw sa kaniyang mga katrabaho noon at mga kaibigan ang nagtatanong sa kaniya kung babalik pa siya sa pagiging isang office girl. Ngunit para kay Tess ay tiyak na magiging malaki na ang farm niya sa mga panahon na iyon at hindi na niya kakailanganin pa ang magtrabaho sa opisina.


Noon ay naranasan na din daw niyang maging isang Overseas Filipino Worker mula 1994 hanggang 2009. Nagtrabaho naman siya sa Maynila taong 2009 hanggang 2021 kung saan na nga siya inabutan ng pandemya.

Ibinahagi din niya na nagsimula ang kaniyang chicken farm sa 500 mga manok lamang. Nadagdagan din naman ito ng 300 pa nitong Enero lamang. Ang nahaharvest nilang mga itlog ng manok ay umaabot ng higit kumulang 400 sa loob ng raw.

Ang sunod na plano niya ay ang magtanim na rin ng mais upang yun na rin ang mapakain niya sa kaniyang mga alagang manok. Mas makakatipid siya at makakaawas ng gastos.

Napakarami na raw niyang natutunan ngayon kumpara sa pagiging isang office girl niya noon. Mas naging responsable na raw siya at mas naging maalam sa maraming bagay lalo na pagdating sa pagnenegosyo.