Isang dalawang taong gulang na bata, umorder ng 31 na cheeseburgers gamit ang cellphone ng kaniyang ina!

Malaking malaki na talaga ang pagkakaiba ng mga kabataan noon at ngayon. Kung dati ay madalas natin silang nakikita sa labas ng kanilang mga tahanan habang nakikipaglaro sa kanilang mga kaibigan ngayon ay madalas na silang nasa loob na lamang ng bahay at doon ay nakababad sa kanilang mga gadgets.


Marahil hindi na bago sa nakararami sa atin ang pangyayari kung saan ilang bata ang umoorder ng laruan o mga pagkain. Ginulat ng 2 taong gulang na si Barrett ang kaniyang ina na si Kelsey Burkhalter Golden nang umorder ito ng halagang $61.58 na cheeseburger sa isang sikat na fast food chain.

Ayon sa ina, nilalaro daw ng kaniyang anak ang kaniyang cellphone ng araw na iyon. Inakala niya na ginagamit lamang nito ang kamera upang kumuha ng ilang mga larawan. Ngunit nang makita niya mismo ang kaniyang cellphone ay nagulat siya dahil nakaorder na pala ang kaniyang anak.


Sa halip na magalit sa kaniyang anak o sa pangyayari ay minabuti na lamang niya na ipamahagi ang mga ito sa kung sino man ang may gusto sa Facebook. Marami naman siyang nakuhang sagot mula sa mga netizens.

Makalipas lamang ang sampung minuto ay mayroon nang nakatunton ng kanilang tahanan at nakakuha ng ipinapamahagi niyang cheeseburger. Upang hindi na ito maulit pang muli ay minabuti niyang itago na lamang ang delivery app upang hindi na ito magamit o makita pa ng kaniyang anak.


Tunay ngang marami nang mga kabataan ngayon ang nagiging mahusay na sa paggamit ng mga modernong gadgets. Kung kaya naman bilang mga magulang ay dapat tayong maging maingat at huwag nating hahayaang malibang nang husto ang ating mga anak.

Kailangan pa rin nating maglaan ng oras at panahon para sa kanila. Hindi lamang sila dapat maglaro nang mag-isa bagkus ay makasama din ang kanilang mga magulang gaano man sila kaabala.