Isang daga na nakuhanan ng video habang naliligo, usap-usapan ng marami ngayon!

Dito sa Pilipinas, tiyak na marami ang sasang-ayon na isa na yata sa pinakamaruming hayop ay ang daga. Madalas kasi silang makita sa mga imburnal, basurahan, at sa marami pang mga maruruming lugar.

Madalas din na pinandidirihan at kinatatakutan sila dahil sa sakit na dala-dala nila. Ngunit kamakailan lamang, tila kakaiba ang video na nakuhanan ng isang lalaki mula sa Peru.

Ang lalaking ito ay nakilala bilang si Jose Correa. Sa video na kaniyang ni-record ay makikita ang isang daga na nakatayo sa dalawang paa nito, mayroong sabon sa buong katawan na tila ba naglilinis at naliligo.

Maraming mga netizens ang namangha at talaga namang nagulat sa kanilang nasaksihan. Ilang milyong views din ang inabot ng naturang video na ito. Ayon sa ilang mga ulat, ang daga pala na ito ay isang Pacarana. Isang uri ng rodent native mula sa South America.

Ilan sa mga kakaibang katangian nito ay ang malaking sukat ng katawan nito at ang kawalan nito ng buntot tulad ng mga tipikal na daga. Kung ang ordinaryong daga ay gumagamit ng bibig nito upang linisin ang kanilang katawan, gamit naman ng mag Pacarana ang kanilang mga kamay.

Dagdag pa ng ilang mga eksperto, ang mga uri ng dagang ito ay takot na takot sa sabon. Mapanganib sa kanila ang sabon kung kaya naman pilit itong tinatanggal ng kawawang daga sa video.

Mayroong kemikal ang mga sabon na hindi makabubuti sa kanilang mga Pacarana. Marahil dahil sa pagnanais nitong matanggal nang tuluyan ang sabon sa kaniyang katawan ay bumula ito ng bumula, kumalat nang husto hanggang sa magmukha itong tila naliligo.

Kung paanong nagkaroon ng sabon sa katawan ang daga ay hindi pa batid ng publiko. Ngunit ang katotohanan na maaari itong mapahamak o masawi dahil dito ay hindi dapat gawing katatawanan para sa publiko.

Dahil tulad ng ibang hayop ay mayroon din silang buhay, mahalaga rin sila sa pagpapanatili at pagbabalanse ng ating ecosystem.