Isang cute na tuta ang kinagiliwan ng publiko dahil tila ba nakikiusap sa mga pulis na ito na siya ay ampunin!

Marahil naranasan na rin natin noon ang makaramdam na mayroong isang tao o higit pa na nagsisilbing bayani o hero sa ating buhay. Maaaring kamag-anak natin sila, kaibigan, o di kaya naman ay isang estranghero lamang.

Lahat ng sitwasyon na nararanasan natin sa araw-araw ay tiyak na kapupulutan natin ng aral at mayroon tayong makikilalang mga tao na hihipo sa ating puso at maaaring bumago sa ating buhay. Tulad na lamang ng kwentong ito ng isang munting tuta na hindi na umalis pa sa tabi ng isang pulis na tila ba nakikiusap na ampunin na siya nito.

Nang makita ng tuta ang dalawang pulis na nakilala bilang sina Mercado at Tavera mula sa LAPD ay talagang tumakbo ito at sinundan-sundan na sila. Tila ba mas naging malapit ito kay Officer Mercado na siya na ring nagpangalan sa naturang tuta.

Hobart ang kaniyang tinawag dito dahil ito ang pangalan ng kalye kung saan nila siya natagpuan. Dahil sa napansin na rin ng pulis ang nais ipahiwatig sa kaniya ng munting tuta na ito ay kinausap niya si Officer Tavera kung maaari nila siyang dalhin sa police station.

Talagang napansin nila kung gaano ka-behave ang tutang ito nang sumakay na sila ng kanilang sasakyan. Napag-alaman ng mga pulis na inabandona na pala si Hobart ng kaniyang mga amo.


Kung kaya naman kinailangan nila siyang dalhin sa isang animal shelter. Maraming mga netizens naman ang nakapansin sa pagiging malapit ng tuta kay Officer Mercado kung kaya naman marami din ang nagpayo na siya na lamang ang umampon sa tuta na ito.

Dahil sa gusto rin naman talaga ni Officer Mercado na alagaan si Hobart ay hindi na siya nagdalawang isip pa na ampunin ito at gawing bahagi ng kaniyang munting pamilya. Sa ngayon ay mayroong nang titulo si Hobart bilang isang K-9 dog at hindi na siya muling mag-iisa pa sa lansangan.