Isang caterpillar o higad, nagbabalat-kayo bilang isang makamandag na ahas!

Marahil marami na sa atin ang nakakarinig ng mga sabi-sabi tungkol sa mga ahas. Ilan na nga riyan ang patok na patok ngayon sa mga netizens na uri ng ahas na nasa tabi mo lamang ngunit hindi mo namamalayan.

Hindi ito isang hayop kundi maaaring ang iyong matalik na kaibigan o ibang kakilala at kaanak. Madalas kasing inihahalintulad natin ang mga hayop tulad ng ahas sa mga taong masasama na nakapaligid sa atin.

Wala rin tayong ibang nararamdaman sa mga taong ganito kundi pagkainis at pagkagalit. Ngunit hindi lamang pala ilang mga tao ang nagmimistulang ahas.

Kahit pala isang hayop ay nagbabalat-kayo rin bilang isang ahas? Halimbawa na rito ang isang uri ng caterpillar o higad.

Ang mga sphinx moth caterpillar (Hemeroplanes triptolemus) ay isang uri ng higad na kumukuha ng kaniyang lakas sa pagkain ng mga dahon sa kaniyang paligid. Ang kanilang mga uri ay madalas na kulay kayumanggi na mayroong mga kulay puting marka.

Dahil sa napakarami ring uri ng hayop sa kagubatan, kinakailangan niyang magbalat-kayo upang hindi siya kainin at mamatay agad. Sa unang sulyap ay aakalain mong isa itong makamandag na ahas!

Kahit sinong indibidwal o hayop ay talagang matatakot na lumapit sa mga ito. Ayon sa ilang mga eksperto, natutunan ng mga sphinx moth caterpillar ang estratehiyang ito upang mailigaw ang maraming mga predator na nakapaligid sa kanila.

Madalas nga ay talagang pumupwesto pa ito ng maganda sa mga sanga ng puno upang magmukha talaga itong ahas. Ayon sa ilang mga artikulo, gamit ang hangin na ipinapasok nito sa kaniyang katawan ay nagagawan niya ng paraan upang mapalaki ang kaniyang ulo.

Dahil dito ay magkakaroon ng tila isang ilusyon na tatsulok ang kaniyang ulo na mukha na talagang ahas. Isang caterpillar specie din ang Nessus sphinx moths (Amphion floridensis) na naglalabas naman ng malakas na ingay na tila ba isa ring ahas upang maitaboy ang mga hayop na maaaring kumain sa kaniya.