Isang Brazilian artist ang nakagawa ng paraan upang magamit pa ang mga gulong na patapon na bilang higaan ng mga hayop!

Mabigat na ang kinahaharap ng buong mundo ngayon pagdating sa Climate Change at Global Warming, dagdagan pa ng matinding problema natin sa mga kalat at basura sa ating kapaligiran. Talaga namang napakahirap nang pigilan pa ang paglala ng masamang epekto nito sa atin at sa ating kapaligiran.

Nakakalungkot talaga na marami sa atin ang tila hindi na nabibigyang halaga ang ating Inang Kalikasan. Buti na lamang at mayroon pa ring ilang mga tao ang talagang sinisikap pa ring makatulong sa ating kalikasan sa simpleng pamamaraang kaya nila.

Tulad na lamang ng isang Brazilian artist na ito na nakilala bilang si Amarildo Silva. Halos isang taon at anim na buwan din siyang gumawa ng mga higaan ng hayop gawa sa mga patapon nang gulong.

Sa simpleng pamamaraan niyang ito ay nagagawa niyang makabawas sa mga kalat na itinatapon na lamang natin basta-basta at nakakatulong pa siya sa mga hayop. Ayon sa naging pagsasalaysay niya, halos dalawang taon na rin ang nakakaraan nang mag-isip siya ng mapagkakakitaan.

Dahil sa likas siyang malikhain ay nagawa niyang makalikha ng higaan mula sa lumang mga gulong na madalas niyang nakikitang nakakakalat lamang o nakatambak sa kung saan. Ang mga nakokolekta niyang gulong ay nililinis na niya muna, binabawasan ng kaunti, at pinipinturahan.

Siya na rin mismo ang nagdidisenyo nito upang mas magmukha pa itong kaaya-aya. Hindi lamang disenyo ang kaniyang inilalagay sa mga ito kundi pangalan mismo ng alagang hayop na hihiga dito.

Talaga namang marami ang tumangkilik sa produkto niyang ito dahil sa pulidong pagkakagawa at talaga namang malaki ang naitutulong para sa ating kapaligiran. Tunay ngang hindi natin kailangang gumastos ng malaki o maghanap pa sa malayong lugar ng mga bagay na kaya nating gawin upang makatulong para sa ating kalikasan.

Kahit papaano ay makakakita at makakahanap tayo nito sa ating paligid at sa ating komunidad.