Isang benepisyaryo ng 4Ps, nakapagtapos na ng pag-aaral at isa na ngayong engineer!

Hindi na lingid sa kaalaman ng maraming mga Pilipino ang programa ng ating gobyerno na 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Bagamat maraming natutulungan ang programang ito marami din naman ang bumabatikos dito dahil sa hindi magandang dulot nito sa ilang mga mahihirap na pamilya.

Sa halip kasi na magsumikap ang iilan at gamitin sa ikabubuti nila ang pera na regular nilang natatanggap sa gobyerno ay tila natuturuan sila nitong maging tamad at umasa na lamang sa perang padala sa kanila. Sa oras din kasi na maging maayos na ang buhay ng isang pamilyang kabilang sa naturang programa ay hindi na siya maituturing pang “indigent” kung kaya naman mawawala na sa kanila ang benepisyong ito.

Ngunit para sa isang benepisyaryo ng 4Ps na nakilala bilang si Marvin Arnoza, naging napakagandang inspirasyon niya dahil sa nagawa niyang makapagtapos sa kolehiyo at ngayon ay isa nang ganap na engineer.

“Kabilang po ang aming pamilya sa beneficiary ng 4Ps na programa ng gobyerno,” Pagbabahagi ni Marvin.

“Pagsasaka at pagkokopra po ang ikinabubuhay ng aming pamilya—isang kahig, isang tuka. Madalas, hirap kami na makakain nang tatlong beses sa maghapon, lalo na kapag may kalamidad o kaya naman ay matumal ang ani.” Dagdag pa niya.

Aminado siyang mahirap talaga ang buhay nila noon pa man at naging malaking tulong din kahit papaano ang natatanggap nila mula sa gobyerno. Sa kabila nito, hindi pa rin daw ito sumasapat lalo na pagdating sa kaniyang pag-aaral.

Kung kaya naman nagtatrabaho siya sa tuwing semestral break nila upang mayroong pandagdag sa kaniyang panggastos sa paaralan. Sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan ay mas naging matatag pa siya at positibo sa buhay hanggang sa wakas ay makapagtapos na nga siya bilang isang licensed engineer.

“Ngayon isa na po akong inhinyero at ito po ang gusto kong ipagpasalamat sa inyo. Gusto kong iparating na may magandang naidudulot po ang buwis ninyo.” Komento pa niya.