Isang bata, matiyagang naghawak ng isang papel kung saan nakalagay ang pakiusap na huwag gisingin ang kaniyang ama na mahimbing na natutulog sa loob ng tren!

Nakasaad sa sampung utos ng Diyos na igalang natin ang ating ama at ina. Kung sino man ang makagagawa nito ay tiyak na mabubuhay pa ng mas matagal at mas pagpapalain.

Ngunit kahit naman siguro walang pagpapala at biyaya ay marami pa rin sa atin ang talagang magmamahal at gagalang sa ating mga magulang dahil sila ang kauna-unahang nagmahal sa atin. Talagang matinding sakripisyo ang kanilang ginagawa sa araw-araw maibigay lamang ang lahat ng ating mga pangangailangan.

Kung kaya naman nararapat lamang na mahalin at igalang natin sila habang tayo ay nabubuhay. Kamakailan lamang, maraming mga netizens ang humanga sa batang ito dahil sa ginawa niya para sa kaniyang ama.

Ang kaniyang ama ay nagtatrabaho sa isang Courier Company, dahil sa matinding pagod ay nakatulog ito sa loob ng tren. Katabi niya ang kaniyang anak na lalaki na mayroong hawak hawak na sulat kung saan makikita ang pakiusap niyang huwag gigisingin ang kaniyang ama.

Isang paraan ito ng bata upang maprotektahan ang kaniyang ama at kahit papaano ay makapagpahinga ito. Nakuhanan ito ng larawan ng isang netizen na siya namang nagbahagi nito online.

Marami din ang nakapansin na kahit namamahinga at nakatulog ang ama ay nakahawak pa rin ang isang kamay nito sa binti ng kaniyang anak. Ito marahil ang kaniyang paraan upang maprotektahan din ang kaniyang anak.

Tunay nga na nakakamanghang makakita ng ganitong pangyayari. Hindi maipagkakailang mahal na mahal ng ama ang anak at malaki din ang respeto ng anak sa kaniyang ama.

Maraming sa mga netizens ang nagkomento na sana ay nakikita ito ng mas maraming mga kabataan dahil tiyak na maiisip nilang dapat nilang igalang at mahalin ang kanilang mga magulang. Mga magulang na nagtitiis, nagpapakapagod, at nagsusumikap sa trabaho para lamang sa kanilang pamilya.

Huwag na rin sanang masanay ang mga anak na dumepende ng husto sa kanilang mga magulang lalo na kung nasa wastong gulang na sila. Mas masarap pa ding makatulong sa kanila kaysa maging problema pa o pabigat, hindi ba?