Isang babaeng mahilig sa halaman, nagulat nang malamang plastik pala ang inaalagaan niyang halaman sa loob ng dalawang taon!

Hindi na bago sa maraming mga Pilipino ang paghahalaman ngunit nang maranasan natin ang pandemya nitong mga nagdaang taon ay mas marami sa atin ang talagang mas nahilig pa sa halaman. Plantito at plantita na nga kung sila ay tawagin.

Maging ang ilang mga sikat na celebrities ay naengganyo na ring maghalaman dahil sa napakaraming benepisyong dulot nito. Dapat lamang maging maingat dahil kadalasan ay nagiging dahilan din ito upang mas lumaki ang kanilang mga gastos.

Kamakailan lamang ay mayroong isang plantita mula sa California na si Caeli Wikes ang nagbahagi ng kaniyang naging karanasan niya sa publiko. Marami na siyang nakolekta at inaalagang mga halaman.

Masaya siya sa tuwing nakikita niya ang mga halaman niyang ito. Mayroon din siyang paboritong halaman na talagang namumukod tangi para sa kaniya.

Ang halamang ito ay isang succulent na dalawang taon din niyang inalagaan at diniligan. Ngunit laking gulat na lamang niya nang matuklusan niyang plastik pala ang halamang ito!

Maging ang inakala niyang lupa ay Styrofoam pala! Halo ang kaniyang naramdaman sa pangyayaring ito dahil hindi niya mawari kung siya ba ay matutuwa o madidismaya ng husto.
Dahil sa kaniyang ibinahaging kwento ay mayroon namang nagmagandang-loob sa kaniya na isang sikat na tindahan ng mga halaman. Binigyan siya nito ng totoong succulent upang mawala na ang kaniyang pagkadismaya.

Marami ding mga Pilipino ang talagang naka-relate sa pangyayaring ito. Mayroon pa ngang ilang mga netizens ang nagsabing para pala itong pag-ibig na inalagaan ngunit bandang huli ay hindi mo rin pala makakatuluyan.

Samantala, nagsilbing aral din ito sa publiko dahil mas magiging maingat at mapagmasid na sila ngayon lalo na sa mga ganitong bagay na maaari silang maloko o malinlang. Narito pa ang ilan sa mga naging komento ng publiko patungkol sa naging karanasan ni Caelie:

“Parang yung friendship n’yo ng kaibigan mo… Pinilit mong i-work out at palaguin. You end up knowing na plastic pala siya.”

“Wala ‘yan sa pinagkaiba sa nag-alaga ka at nagmahal ka ng taong akala mo totoo pero pinaprank ka lang pala!”