Isang asong nawala dalawang taon na ang nakararaan ay muling natagpuan ng kaniyang amo na halos buto’t balat na at nasa nakakaawang kondisyon!

Ang pagkakaroon ng isang alagang hayop ay mayroong kaakibat na responsibilidad kung kaya naman dapat ay maging handa tayo lalo na kung nagbabalak tayong mag-alaga ng kahit anong uri man ng hayop. Hindi lamang kasi pagkain at matitirahan ang kailangan nila, nangangailangan din sila ng atensyon at kalinga na dapat nating maibigay sa kanila.

Nakakalungkot lamang talagang isipin sa ngayon dahil sa marami na ring mga alagang hayop ang basta basta na lamang inabandona ng kanilang mga amo. Kadalasan ay sa mga lugar na delikado at walang makakakita sa kanila o makapagbibigay man lamang ng makakain.

Isang larawan ng asong ligaw ang ibinahagi ng isang animal shelter sa isang kilalang social media platform. Ito ay upang makahanap sana ng bagong tahanan at bagong pamilya na mag-aalaga sa kaniya.

Ang naturang aso ay mayroong asul na kulay ng mga mata at nasa nakakaawang kondisyon! Nang kumalat na ang mga larawan ng aso na ito ay bigla na lamang may tumawag na ginang sa animal shelter at sinabi na maaaring ito ang kaniyang alagang aso na matagal na niyang hinahanap.

Dalawang taon na raw kasi mula nang nakawin sa kanilang bakuran ang alaga niyang aso. Nakiusap siya kung maaari niyang puntahan at makita ang aso.

Nang magkita silang dalawa ay laking gulat ng mga taong naroroon dahil nang tawagin niya ang pangalan ng kaniyang aso ay agad itong lumapit sa kaniya. Sa wakas ay nagkita nang muli si Lord at ang kaniyang amo na matagal na ring hindi nagkakasama.

Sa kabila ng dumaraming bilang ng mga asong ligaw o mga asong nakikita natin sa lansangan ay marami pa rin pala sa kanilang mga amo ang umaasa na balang araw ay makikita at makakasama silang muli. Kahit pa nga ilang taon na ang lumipas ay talagang naroroon pa rin ang pag-asang makikita nila ang kanilang mga alaga.