Isang asong kalye na talaga namang ubod ng payat at hina, iniligtas ng isang mabuting Samaritano at ngayon ay maayos nang namumuhay kasama nito!

Sa nakalipas na panahon ay parami na ng parami ang mga taong nagkakaroon ng interes na mag-alaga ng mga hayop bilang kanilang mga pets. Nariyan na ang mga nag-aalaga ng pusa, aso, ibon, at marami pang iba.

Ito ay maaaring dahil sa kaligayahang naidudulot nila sa marami sa atin lalo na pagdating sa ating “mental health”. Ayon nga sa ilang mga Pilipinong pet owners, bagamat kinakailangan nilang maglaan ng oras at panahon sa kanilang mga alaga, iba pa rin daw talaga ang pagkakaroon ng mga alagang hayop sa kanilang tahanan.

Tila ba nagdaragdag din ito ng sigla sa pang-araw-araw nilang buhay. Nakakalungkot nga lamang na mayroong mga sitwasyon kung saan nakakakita tayo ng mga napabayaan at inabandonang hayop sa lansangan.

Tulad na lamang halimbawa ng aso na si Lolo Dog. Mapalad siya dahil isang mabuting Samaritano tulad ni Raevin Bonifacio ang nakakita at tumulong sa kaniya na magkaroon ng mas maayos na buhay.

Sa bangketa ng Divisoria sa Maynila natagpuan ni Raven ang kawawang aso. Talaga namang mahina, gutom na gutom, at may sakit pa ang pobreng aso nang makita ito ni Raven.

Mas maraming mga netizens ang naantig sa asong ito nang malaman nilang binabato pala ito ng mga tao dahil sa hindi magandang amoy nito. Dahil sa masalimuot na karanasan ng aso ay napagdesisyunan ni Raven na iuwi na ang aso at tulungan itong gumaling.


Makalipas naman ang dalawang buwan ay kitang-kita na ang magandang pagbabago sa kaniyang pangangatawan. “Lucky” ang ipinangalan ni Raven sa asong ito dahil napakapalad nito talagaa na magkaroon pa ng mas magandang buhay.

Isa lamang si Lucky sa mga rescued dogs ni Raven. Tunay nga na mayroon pa rin palang mga tao na nagnanais tumulong sa mga kawawang aso tulad ni Lucky.

Dahil dito ay mas nabibigyan pa sila ng pagkakataon na maging masaya at komportable kasama ang kanilang mga bagong pamilya.