Isang aso na walong taon nang nawawala, muling natagpuan ang daan patungo sa kaniyang amo!

Umantig sa puso ng publiko kamakailan lamang ang kwento ng isang babae mula sa Qingdao, China. Makalipas kasi ang 8 taon na pagkakawala ng kaniyang pinakamamahal na alagang aso ay muli silang nagkita nito.

Si Aunt Gao ay nag-alaga ng isang aso na isang “domestic dog”. Pinangalanan niya itong Dudou.

Dahil sa mag-isa na lamang siyang naninirahan sa kaniyang tahanan ay talagang matalik na kaibigan na ang naging turing niya sa alaga niyang ito. Palagi silang sabay kumakain at natutulog din sila sa iisang higaan lamang.

Napaka-sweet din ni Dudou pagdating sa kaniyang amo dahil palagi niyang hinihintay ang pag-uwi nito galing sa trabaho. Ngunit isang araw ay bigla na lamang nagimbal si Aunt Gao sa kaniyang nabalitaan.

Nagkaroon ng matinding karamdaman ang kaniyang ina kung kaya naman kailangan niyang magtungo sa kanilang probinsiya. Malayo ito kung kaya naman imposibleng maisama niya si Dudou.

Hindi naman ito maaaring maiwanang mag-isa sa kanilang tahanan kung kaya naman minabuti na lamang niyang iwanan ito sa kaniyang kapitbahay. Noong una ay ayaw siyang tulungan ng kaniyang kapitbahay dahil talagang hindi raw ito mahilig sa mga hayop ngunit kalaunan ay pumayag na rin naman ito.


Makalipas ang isang taon ay nakauwi nang muli sa kanilang lugar si Aunt Gao at agad ngang pinuntahan si Dudou sa kaniyang pinag-iwanan ngunit laking gulat na lamang niya dahil wala na ang kaniyang aso at wala na rin ang pinagkatiwalaan niyang kapitbahay. Ilang taon pa ang lumipas ngunit hindi na bumalik pa si Dudou.

Nalungkot ng husto si Aunt Gao at kahit pa subukan niyang mag-alaga muli ng aso ay hindi niya talaga makalimutan ang kaniyang kaibigan. Isang araw ay nagtungo siya sa grocery kung saan sila madalas mamili ni Dudou.

Dito ay parang mayroon siyang nakitang pamilyar na hitsura ng isang aso. Nang tawagin niya itong Dudou ay agad itong tumakbo papunta sa kaniya!

Ito nga ang kaniyang kaibigan na matagal na niyang hinihintay na bumalik sa kanilang tahanan.