Isang aso na papaluin na sana ng kaniyang amo dahil sa ngayon lang ito umuwi ng kanilang bahay, agad na niyakap ang kaniyang amo na tila ba nakikiusap na huwag na siyang paluin nito!

Marahil hanggang ngayon, marami pa rin sa atin ang nakakaalala kung paano tayo sunduin ng ating mga magulang sa laruan. Lalo na kung talagang inaabot tayo ng hapon o di kaya naman ay gabi sa labas ng ating mga tahanan.

Naririyan na ang mga magulang natin na may dalang patpat o di kaya naman ay walis o kahit na anong pamalo na kaya nilang madala. Ngunit hindi lamang pala tayong mga tao ang takot sa ganito, maging ilang mga hayop ay talagang natatakot din na mapagalitan at mapalo ng kanilang mga amo.

Tulad na lamang halimbawa ng isang aso na ito mula sa Thailand. Talagang matatawa ka sa video ng asong ito na naglalakad papunta sa kinatatayuan ng kaniyang among lalaki.

Mayroon kasing hawak na pamalo ang kaniyang amo para sa kaniya at tila galit ang mukha nito dahil sa ngayon lamang siya uuwi sa kanilang bahay. Habang unti-unting lumalapit ang aso sa kaniyang amo ay tila ba nararamdaman din ng mga taong nakakapanood ng video ang labis na kaba nito.

Nang makarating na siya sa pwesto ng kaniyang among lalaki ay agad siyang umupo sa harap nito at tila ba nagpapapungay ng kaniyang mga mata. Maya-maya pa ay makikita nang yumayakap ang aso sa kaniya na tila naglalambing at nasasabing huwag siya nitong paluin.
Pinapagalitan at pinagsasabihan naman siya ng kaniyang among lalaki habang ginagawa niya ang panglalambing na ito. Hindi rin naman nagtagal at hindi na nakatiis pa ang kaniyang amo at umaliwalas na ang mukha nito.

Hindi na siya galit kung kaya naman nagkaroon ng pagkakataon ang matalinong aso na kuhanin ang pamalo mula sa kaniya gamit ang kaniyang bibig at itapon ito sa isang bahagi ng daan roon. Talaga namang maraming mga netizens ang natuwa sa video na ito.

Aakalain mo talagang parang tao ang cute na asong ito, hindi ba?