Isang 86-anyos na lola ang talagang nagsusumikap na makakuha ng mga seafood sa dagat ng ilang oras para lamang masuportahan ang kaniyang anak na mayroong kapansanan sa pag-iisip!

Sa panahon ng pandemya, talagang nakita natin kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng trabaho. Lalo na kung ikaw ay isang breadwinner ng pamilya.

Kahit kasi kabi-kabila ang pagtaas ng mga taong nahahawa ng sakit ay wala pa ring tigil ang mga gastusin sa ating tahanan at ang pang-araw-araw na pagkain ng ating pamilya. Kahit nakakapagod ay talagang hindi pa rin tayo nagsasawang gawin ito para sa ating mga mahal sa buhay.

Ito marahil ang nasa isipan ng lolang ito na kahit 85 taong gulang na ay talagang nagbababad pa rin sa dagat para lamang manguha ng mga seafoods na siya namang ibinebenta niya. Kailangan niya kasing maghanap-buhay dahil sa kaniya lang din nakadepende ang kaniyang anak na mayroong karamdaman sa kaisipan.

Ang masipag at mapagmahal na lola ay nakilala bilang si Nguyen Thi Ro. Ilang taon na ring pumanaw ang kaniyang asawa habang ang kaniyang anak naman ay 61 taong gulang na.

Dahil sa wala na rin naman siyang ibang aasahan pa, siya na mismo ang nagbabanat ng buto at nangunguha ng mga tahong, talaba, at iba pang mga seafoods kahit pa nga ibig sabihin nito ay ilang oras din siyang magbababad sa dagat. Maaga pa lamang ay umaalis na ng kanilang tahanan si Nguyen at nagsisimula na siyang manguha ng kaniyang mga ibebentang seafoods.

Minsan ay hindi rin nauubos ang mga ito kung kaya naman inuuwi na lamang niya sa kanila at iniluluto upang makain nilang mag-ina. Dahil sa kitang-kita ng kaniyang mga kapitbahay ang hirap ni Nguyen, talagang sinusuportahan nila ito at binibili ang kaniyang mga paninda.

Laking pasasalamat din naman niya dahil sa pagsuporta ng mga tao sa kanilang paligid. Marami din naman sa kaniyang mga malalapit na kapitbahay ang nagdarasal na sana ay magkaroon ng mas ligtas at mas madaling trabaho ang masipag na matanda upang hindi na siya labis pang mahirapan.