Isang 80-anyos na lola, masayang masaya nang makatanggap ng alagang kuting mula sa kaniyang mga anak!

Hindi na bago sa ating mga Pilipino ang pagkakaroon ng alagang hayop. Kahit saan kasi tayo lumingon ngayon, bawat pamilya at bawat bahay ay talagang may isa o higit pang mga alagang hayop.

Ito ay dahil sa nakakabawas naman talaga ng stress ang pag-aalaga ng mga hayop. Tiyak na mawawala rin ang kalungkutan na ating nararamdaman sa tulong ng mga alaga nating hayop.

Maging sa paglaki ng mga bata ay may magandang impluwensiya din daw ang pagkakaroon ng mga alagang hayop. Pagdating naman sa mga may edad na ay “companionship” ang dulot sa kanila ng mga hayop na kanilang inaalagaan.

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ng publiko ang isang matandang babae na 80 taong gulang na mula sa Bacoor, Cavite. Siya ay nakilala bilang si Nanay Leonora Fabiania.

Labis daw kasi siyang nalungkot nang sumakabilang-buhay ang kaniyang alagang pusa sa hindi malamang dahilan. Dahil sa natatakot siyang maranasan muli ang kalungkutan na iyon ay hindi na siya nag-alaga pa ng hayop mula noon.

Isang araw ay nagdesisyon ang kaniyang mga anak na regaluhan siya ng isang napakagandang kuting. Pinangalanan nila itong Asitwas at talagang tuwang-tuwa si Nanay Leonora dahil dito.


“Namatayan kasi kami ng pusa si Kyohei at Kenzo. ’Di muna kami nag-alaga ng kuting kasi takot pa baka mawala ulit.” Salaysay ni Knell Fabiana sa naging panayam sa kaniya ng isang kilalang pahayagan.

Kamukha raw kasi ng dati nilang alaga ang kuting na si Asitwas kung kaya naman nang makita niya ito sa pet shop ay hindi na siya nagdalawang-isip pang bilhin at dalhin ito sa kanilang tahanan. Taong 1980’s pa lamang daw ay pet lover na si Nanay Leonora kung kaya naman masayang masaya ito dahil muli na naman siyang nabigyan ng pagkakataon na makapag-alaga ng isang kuting.

Laking tuwa rin ng kaniyang mga anak dahil sa wakas ay nasilayan na naman nila ang magandang ngiti ng kanilang ina.