Isang 11-anyos na dalagang mayroong prosthetic leg, proud na rumampa sa isang paliga na talagang nagpamangha sa publiko!

Napakalaking bagay ng social media sa panahon natin ngayon. Mas mabilis na nating nalalaman ang mga kaganapan sa loob at labas ng bansa.

Magandang balita man ito o hindi. Gayundin naman ay mas naging madali na ang komunikasyon ng bawat isa lalo na ang mga pamilyang mayroong kaanak sa ibang bansa. Hindi tulad ng dati na kailangan pang maghintay ng telegram o di kaya naman ay sulat mula sa mga mahal natin sa buhay na nagtatrabaho o nakatira sa malayong lugar.

Sa ngayon, marami ding mga nakaka-inspire na kwento ang talagang matutunghayan natin sa social media tulad na lamang ng kwento ng dalagang ito na 11 taong gulang na. Siya ay walang iba kundi si Jhayne Mendoza Delen.

Kahit na mayroon siyang suot na prosthetic leg ay talagang proud na proud siyang rumampa sa paliga ng kanilang barangay. Hindi niya ikinahihiya ang kaniyang kapansanan bagkus ay talagang nagsilbi siyang inspirasyon sa mga taong tulad niya ay may mahirap ding pinagdaraanan sa buhay.

Bata pa lamang ay wala na siyang isang binti dahil sa isang aksidente. Galing sila noon sa simbahan nang bigla na lamang bumangga sa sinasakyan nilang traysikel ang isang mabilis na sasakyan.


Noong una ay talagang nawalan na siya ng pag-asa dahil sa hindi na niya alam kung paano pa siya magpapatuloy sa kaniyang buhay nang wala na ang kaniyang isang binti. Ngunit kalaunan ay nagawa rin niyang tanggapin ang kaniyang sitwasyon at sinubukan muli niyang maging masigla at positibo sa buhay.

Tinulungan din siya ng kaniyang mga magulang na makahanap ng prosthetic leg upang kahit papaano ay hindi na mahirap pang maglakad ang kanilang anak. Dahil sa pagiging positibo ni Jhayne at sa pagmamahal at suporta ng kaniyang pamilya ay unti-unting nagbalik ang kompiyansa niya sa kaniyang sarili.

At natunghayan nga ng marami ang nakakamangha niyang pagrampa sa paliga sa kanilang barangay.