Isang 11-anyos na batang lalaki, kinailangang huminto sa pag-aaral upang magtrabaho sa isang crematorium para sa ina niyang may malalang karamdaman!

Bilang mga magulang, tiyak naman na wala tayong ibang nais kundi ang ikabubuti ng ating mga anak. Nais natin na magkaroon sila ng magandang kinabukasan.

Ang suportahan at tulungan sila na maabot ang kanilang mga pangarap ang isa sa mga bagay na nais nating gawin bilang kanilang mga magulang. Gaano man kahirap ang buhay ay tiyak na magkakaroon pa rin tayo ng paraan upang mairaos ito.

Kamakailan lamang ay umantig sa puso ng publiko ang isang batang ito mula sa Thailand. Sa edad niya kasing 11-anyos lamang ay kailangan na niyang magbanat ng buto para sa kaniyang ina na mayroong malalang karamdaman.

Ang kaniyang ama ay matagal nang pumanaw noong siya ay batang musmos pa lamang. Ilang taon pa ang lumipas at ang kaniyang ina naman ang nagkaroon ng malalang sakit. Dahil sa wala na rin naman silang iba pang aasahan, kinailangan nang magtrabaho ng batang ito.
Kung noon, ang kaniyang ina ang nagtatrabaho sa isang crematorium, ngayon ay siya na ang sumapo ng trabaho ng kaniyang ina. Siya mismo ang nagsusunog ng mga bangkay at naglalagay nito sa crematory araw-araw.

Kahit pa nakakatakot at talaga namang napakahirap gawin sa isang batang katulad niya ay wala siyang ibang mapagpipilian kundi ang gawin na lamang ang kaniyang trabaho. Minsan pa nga ay kailangan niyang magtrabaho ng hating-gabi para lamang matapos lahat ng mga bangkay na kaniyang dapat sunugin.

May mga nakakatakot at makapanindig-balahibo na rin siyang karanasan sa kaniyang trabaho lalo na noong nakakarinig siya ng mga kakaibang tunog kahit na siya lamang mag-isa ang naroroon sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Noong una ay kinakabahan at natatakot pa siya ngunit sa ngayon ay mas naging matapang at matatag na siya.

Matapos naman niyang magtrabaho sa crematorium ay uuwi na siya sa kanilang bahay upang asikasuhin at pakainin ang kaniyang ina na nakaratay na lamang sa kanilang higaan. Maraming mga netizens naman ang nagdarasal na sana ay matulungan ang mag-ina sa kanilang matinding pinagdaraanan.