Graduation picture ng isang jeepney driver, umantig sa puso ng marami at nagbigay ng inspirasyon sa mga nakakakita nito!

Ang netizen na si Justin Giovanni Ilagan Linatoc ang siyang nagbahagi ng larawang ito sa kaniyang social media account. Minsan kasi siyang nakasakay sa isang pampasaherong dyip kung saan ang lagayan mismo ng barya ng driver ay mayroong mga graduation pictures.

Talaga namang namangha si Justin nang makita ito dahil sumisimbolo ito sa pagpapagal at pagsusumikap ng ama sa pagtatrabaho para maitaguyod ang kaniyang mga anak sa kanilang pagkokolehiyo. Hindi biro ang pagpapaaral ngayon sa kolehiyo dahil talagang mahal na ang matrikula sa ngayon.

Kahit pa nga mayroon na ring mga subsidiya mula sa gobyerno, marami pa ring gastusin ang kailangang punan ng mga magulang. Kung kaya naman talagang nakakamangha ang mga magulang na kahit mahirap at kahit imposible ay talagang igagapang ang kanilang mga anak sa pag-aaral.

Maraming mga netizens ang talagang nagkomento at nag-react sa larawang ito na dapat daw sana ay hindi na nagtatrabaho pa ang driver kung tatlong anak na pala niya ang nakapagtapos ng kolehiyo. Tiyak na kayang-kaya na nilang siya ay sustentuhan sa araw-araw.

Ngunit marahil ay pinili pa rin ng ama na maghanap-buhay at magbanat ng buto dahil ayaw nitong umasa na lamang sa kaniyang mga anak. Mayroon din kasing mga magulang na mas gusto nilang hayaan ang kanilang mga anak sa kanilang buhay lalo na kung may sarili na silang mga pamilya.

Hindi nila inuobliga ang kanilang mga anak na sila ay bigyan ng suporta para lamang mas gumaan ang kanilang pamumuhay. Talaga namang napakagandang inspirasyon nito hindi lamang sa mga magulang kundi maging sa mga anak na rin.

Hindi man natin obligasyon na suportahan ang ating mga magulang sa kanilang pagtanda, sana ay magkaroon din tayo ng pagkukusa na abutan sila ng kaunti o di kaya naman ay sorpresahin sila paminsan-minsan. Huwag sana nating balewalain ang ginawa nilang pagsasakripisyo at pagpapagal para sa atin.