Golden Koi fish na nagkakahalaga ng $21,000 o mahigit 1.1 milyong piso, pumukaw sa atensyon ng publiko!

Ang mga Koi o kilala rin sa tawag na “Nishikigoi” ay sub-species ng Common carp (Cyprinus Carpio) na tinatangkilik ng publiko dahil sa napakaganda nitong kulay at hitsura. Taong 1820 pa nang unang magpalaki ng mga isda na ito sa bayan ng Ojiya sa Niigata Prefecture.

Isa rin ito sa mga isda na mayroong mataas na respeto ang mga Hapon. Sumisimbolo rin kasi ito sa pagkakakilanlan ng kanilang bansa.

Marami din ang naniniwala na ang mga isdang ito ay sumisimbolo sa swerte, kasaganahan, katiyagaan, at kalakasan. Hindi na nakapagtataka na marami ang nagkakaroon ng interes na magpalaki ng mga isdang ito tulad na lamang halimbawa ng isang fish breeder sa Saigon, Vietnam.

Nagtayo siya ng isang “home-based fish breeding business”. Kung saan mga Koi ang kanilang pinapalaki at inaalagaan.

Malaki ang pool ni Ngo Van Thang sa kanilang tahanan para sa pagpapalaki niya ng kaniyang mga isda. Sa ngayon ay mayroon na siyag 70 Koi fish.

Bawat isa sa mga ito ay ilang libong dolyar na rin daw ang kaniyang nagagastos. Isa na marahil sa pinakamaganda at pinakamahal niyang alaga ay ang kaniyang Golden Koi fish.

Golden yellow ito at nagkakahalaga ng $21,000 o mahigit 1.1 milyong piso! Ayon kay Thang, ang golden Koi fish raw na ito ay bihira at talagang mahirap mahanap saan man sa mundo.


Kung kaya naman marami talaga ang naghahanap nito sa Koi industry. Tunay nga na maraming mga netizens ang namangha sa presyo ng isda na ito.

Sa panahon natin ngayon ay marami na ring mga Pilipino ang naiingganyang bumili ng mga isda na ito upang alagaan sa kanilang mga tahanan. Sadyang nakakarelaks naman kasi talaga at napakagandang tingnan nito sa loob man o labas ng ating mga tahanan.

Ngunit hindi naman lahat sa atin ay kayang maglabas ng ganito kalaking halaga ng pera para lamang bumili ng isang kakaiba at bihirang specie ng isda tulad ng golden Koi fish na ito.