Elon Musk nais makilala ang isang Chinese na lalaking sumikat sa internet dahil sa sobrang pagkakahawig nilang dalawa!

Sino ba naman ang hindi nakakakilala ngayon sa CEO ng Tesla Motors na si Elon Musk? Siya ay 50 taong gulang na business magnate, investor, at philanthropist.

Siya din ang founder, CEO, at Chief Engineer sa SpaceX; angel investor, CEO, at Product Architect ng Tesla, Inc.; founder din siya ng The Boring Company; at co-founder ng Neuralink at OpenAI. Mayroon siyang net worth na 230.4 billion USD ayon sa Forbes nitong 2022.

Hindi maipagkakaila na talagang marami ang humahanga sa kaniya mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Isa na marahil sa mga ito ang isang lalaking Chinese na itago na lamang natin sa pangalan niyang Yilong Ma.

Ipinahayag ni Elon Musk ang pagnanais niyang makilala ito upang malaman niya mismo kung siya ba ay totoong kamukha nga niya o hindi. Marami din ang natuwa nang magbiro siya at sabihing marahil ay mayroon din siyang dugong Chinese.

Si Yilong Ma ang Chinese doppelgänger ni Elon Musk. Marami ang nakakapanuod sa kaniya sa Douyin o ang TikTok version sa China.

Marami ang nakapansin sa pagkakahawig nila ni Elon Musk. Ayon sa Global Times maaaring gumagamit daw si Yilong Ma ng AI o isang online app upang makopya ang mukha ng sikat na business magnate. Nang malaman naman niya ito ay agad niya itong pinabulaanan at sinabing handa siyang mag-live stream para lamang mapatunayan na hindi siya nanloloko ng ibang tao.


Sisikapin din daw niyang magsalita ng Ingles upang maintindihan siya ng mga tagahanga niya sa iba’t-ibang panig ng mundo. Mayroong TikTok account si Yilong Ma na Elong Musk. Marami na ang nasasabik na magkita at magkakilala ang dalawa.

Noon pa man ay madalas na nating marinig na mayroon talaga tayong kamukha sa iba pang panig ng mundo. Mapalad na lamang daw tayo kung makikita at makikilala natin sila ng personal sa buong buhay natin.