Dumalo ang halos 20 aso sa lamay ng isang babae na palaging nagpapakain sa kanila noong nabubuhay pa ito!

Maraming mga tao sa iba’t-ibang panig ng mundo ang talaga namang may malasakit sa mga hayop. Hindi na nakapagtatakang marami na rin ang nabubuong pribadong organisasyon na tumutulong sa maraming mga hayop na nasa panganib o di kaya naman ay walang tirahan o makakain.

Isa na marahil sa kanila ang babaeng ito na nakilala sa pangalang Margarita Suarez mula sa Mexico. Noong siya ay malakas at nabubuhay pa ay talagang pinapakain niya ang mga asong nakikita niya sa lansangan.

Halos nasa 20 mga aso ang nakakakain sa tuwing maggagayak si Margarita ng pagkain para sa mga ito. Hindi biro ang bilang ng mga asong ito dahil talagang marami sila kumpara sa paisa-isa o dalawang ligaw na asong pinapakain niya noon.

Hindi lamang sa harapan ng kaniyang bahay siya nagpapakain ng mga aso kundi pati na rin sa kalsada sa tuwing makakasalubong siya ng mga inabandonang hayop. Hindi nagtagal ay nagkasakit si Margarita at kalaunan ay pumanaw na.


Laking gulat na lamang ng mga taong pumunta sa kaniyang lamay dahil mayroong halos 20 mga aso ang tila nakikiramay din sa pagkawala ng isang kaibigan. Para bang nauunawaan nila na ito na ang huling beses na makakasama nila ang kanilang kaibigan at huling pagkakataon na nila upang magpasalamat sa pagtulong nito sa kanila noong mga panahong nagugutom sila at wala silang makain.

Naging malaking palaisipan din naman sa mga kapamilya ni Margarita kung paanong natagpuan ng mga aso ang kaniyang bagong tirahan kahit na nasa 10 kilometro ang layo nito sa dati niyang tirahan kung saan siya madalas magpakain ng mga aso. Hindi nag-ingay at nagkagulo ang mga aso na ito sa lamay niya bagkus ay naging tahimik at payapa ang lahat hanggang sa kaniyang libing.

Tunay ngang matapat ang mga asong ito na kahit sa huling sandali ay talagang namaalam pa sila sa kanilang kaibigan.