Dambuhalang lapu-lapu na may timbang na 187 kilo, natagpuan sa Antique!

Pagdating sa likas na yaman dito sa Pilipinas, talaga namang pinagpala tayo ng Panginoon dahil kahit saan ka man mapadpad ay talagang mamamangha ka sa dami ng mga likas na yaman na mayroon sa lugar na iyon. Ito rin ang ilan sa mga dahilan kung kaya dinadayo tayo ng mga dayuhang turista hanggang sa ngayon.

Marami kasi tayong magagandang tanawin at mga yamang-dagat at yamang-lupa. Isa sa hilig ng mga turista ang karagatan kung saan ang ating bayan ay hitik na hitik sa mga halamang-dagat at hayop.

Ngunit maliban dito, marami din tayong mga mangingisda na talagang nakakahuli ng mga kakaibang isda tulad na lamang ng dambuhalang lapu-lapu na ito. Labis ang pagkagulat at pagkamangha ng mga residente ng Sebaste, Antique nang makahuli ang isa sa mga mangingisda roon ng isang higanteng lapu-lapu!

Mayroon lang naman itong timbang na 187 kilo. Ang mapalad na mangingisdang nakahuli ng naturang dambuhalang isda ay walang iba kundi si Rex Vego Jr. Ilang tao rin ang nagtulong-tulong upang makuha ang kaniyang huli.

Halos limang oras din ang kanilang ginugol rito. Ayon sa kaniyang tiyahin na si Reah Vego Davidson, ilang beses na rin talagang nakakahuli ng dambuhalang mga isda ang kaniyang pamangkin tulad na lamang halimbawa ng blue marlins at barracudas na tumitimbang ng 22 hanggang 27 kilo.


Talagang maraming mga tao roon ang nagtataka kung bakit napakapalad ni Rex para makahuli siya ng mga malalaking isda samantalang ang karamihan sa mga mangingisda roon ay puro yellowfin tuna o Spanish mackerel (tanigue) lamang ang nahuhuli. Naikwento din ni Reah na kinailangan muna nilang tanggalin ang ulo ng lapu-lapu upang matimbang ito na halos nasa 50 kilo.

Ipinamahagi nila ito sa mga tumulong sa pagbubuhat ng isda at sa ilan pa nilang mga kapitbahay. Habang ang natirang 107 kilo naman ng isda ay binenta nila sa isang negosyante.