Dalawang aso na puting-puti ang kulay, umuwi nang napakadungis matapos maglaro sa putikan!

Napakarami na ngayong mahihilig mag-alaga ng iba’t-ibang breed ng hayop lalo na ng mga aso at pusa. Ang mga Samoyed dogs ang isa sa pinakamamabait na breed ng aso sa mundo.

Kahit pa nga madalas ay talagang napakakulit ng mga ito, palagi pa rin nilang napapangiti ang kanilang mga amo. Madalas na nagiging “healer” sila ng mga taong nagdadalamhati.

Kamakailan lamang ay mayroong dalawang Samoyed dogs mula sa Estados Unidos ang pinagkaguluhan at pinagkatuwaan ng mga netizens dahil sa pagiging mapaglaro ng mga ito. Nang minsang matiyempuhan nilang bukas ang pinto ng kanilang bahay ay agad silang lumabas at sa kanilang bakuran ay talagang naglaro ng husto.

Naglaro sila sa putikan at nagpagulong-gulong sa lupa. Tila ba hindi nila ito nagawa ng matagal na panahon.

Nang umuwi naman sila sa kanilang tahanan ay tila patay-malisya pa ang dalawa sa kanilang mga ginawa. Halos hindi na makilala ang dalawa dahil sa napakadungis na talaga ng mga ito.

Si Lora Larkin ng Tampa, Florida ang amo nina Felix at Finley. Ayon sa kaniyang naging pagsasalaysay, naliligo siya isang araw nang bigla na lamang lumabas ang dalawa niyang mga alaga.
Narinig daw kasi nila ang tunog ng kanilang “sprinklers” sa hardin at doon na nga sila agad na lumabas at naglaro nang naglaro. Nang matapos daw maligo at gumayag si Lora ay agad niyang nakita ang kaniyang mga alaga na talagang maruming-marumi ang hitsura.

Ngunit ang mas pumukaw ng kaniyang atensyon ay ang mga hitsura ng mga ito na tila ba walang ginawang masama at talagang napaka-inosente pa ng mga mukha! Tunay nga na maraming mga netizens ang nagkomento at nag-react sa mga larawan na ito nina Felix at Finley.

Talaga namang batid nila na magagalit ang kanilang amo kapag nakita sila na ubod ng dumi at saksakan ng baho! Marami ring mga pet owners at pet lovers ang nakaka-relate.