Dalawang alagang aso, natagpuan ng kanilang amo sa isang photoshoot para sa mga asong ipapaampon!

Walang makakapantay sa ugnayan na mayroong ang isang pet owner at mga alaga nitong hayop. Lalong lalo na kung hindi naman iba ang turing ng amo sa kaniyang mga alaga.

Kahit kasi sa Pinas o maging sa ibang panig ng mundo, tiyak na marami ding mga indibidwal ang nag-aalaga ng mga hayop. Halos lahat sa kanila ay sasang-ayon na mayroon talagang matibay na ugnayan ang mga taong ito sa kanilang mga alagang hayop.

Ngunit nakakalungkot lamang isipin dahil mayroon talagang mga pangyayari kung saan ang isang pet owner ay nawawalan ng alagang hayop. Napakahirap ng ganitong karanasan dahil para bang isang kapamilya o kaanak mo na rin ang nawalay sa iyo.

Sa oras naman na makita mo na sila ay wala nang makapapantay pa sa saya na iyong madarama. Ito ang naging karanasan ng isang pet owner na ito na umantig sa puso ng publiko.

Nagkaroon ng pagtutulungan ang “Miami-Dade Animal Services” at “Ocean Drive Magazine” upang magsagawa ng isang photoshoot kung saan kukuhanan nila ng larawan ang ilang mga hayop na maaari nang ampunin. Upang mas mahikayat nila ang mga taong mag-ampon na lamang ng mga hayop kaysa bumili, naglunsad sila ng isang photoshoot.

Dalawang Siberian husky ang kasama rito. Ngunit nang matatapos na ang photographer sa pagkuha ng mga larawan ay mayroong isang lalaki na nagsabing ang mga asong ito raw ay kaniyang alaga!

Ang mga asong ito pala ay ang kaniyang mga alagang aso na sina Ragnar at Kloud. Ilang araw na rin silang nawawala kung kaya naman talagang namahagi ng mga posters at larawan nila ang kanilang amo.

“Yesterday I was posting flyers, I was posting fliers all over the neighborhood. And the guy found it tell me he brought them here yesterday at 1 p.m. so I came running and saw them.” Pagsasalaysay ng lalaki.

Masayang masaya siya gayundin naman ang kaniyang mga alaga na sa wakas ay muli silang nagkita at magkakasama na silang muli.