Asong inabandona, pinilit pa ring isilang ang kaniyang mga supling kahit na hinang-hina siya at nawalan pa ng malay!

Labis na umantig sa puso ng publiko ang kalagayan ng isang aso na ito at ng kaniyang mga supling. Sadyang napakahirap ng kalagayan ng kawawang aso na ito na basta na lamang inabandona ng kaniyang mga amo sa lansangan.

Matapos kasi siyang iwanan na lamang basta sa kung saan ay saka naman pala siya nabuntis. Ilang linggo pa ang nakalipas at isinilang na niya ang kaniyang mga supling sa bangketa.

Hinang-hina na ang kawawang aso ngunit pinilit niya pa rin na maisilang ang kaniyang mga tuta. Dumating pa ang pagkakataon na nawalan pa siya ng malay.

Wala rin kasi siyang kinakain sa bangketa at maging ang kaniyang pinaglalagian ay wala ring proteksyon mula sa malakas na ulan at matinding sikat ng araw. Anim ang naging anak ng naturang aso ngunit sa kasamaang-palad ay hindi na nakaligtas pa ang dalawa sa mga ito.

Buti na lamang, mayroong isang mabuting Samaritano ang tumulong sa asong ito at sa kaniyang mga anak upang makaligtas mula sa mahirap nilang sitwasyon. Noong una ay agresibo pa ang aso dahil sa natural na sa mga bagong panganak na hayop ang protektahan ang kanilang mga anak mula sa sinuman.

Kalaunan ay tila nahimasmasan ito at hindi na pumalag pa sa mga nais na tumulong sa kanila. Agad naman silang dinala sa isang veterinary clinic upang doon ay masuri.
Sobrang hina ng nanay na aso ngunit nang bigyan naman siya ng lunas at gamot ay unti-unti namang bumalik ang kaniyang lakas. Samantalang, kailangan munang obserbahan ang mga tuta niya ng 48 oras upang matiyak kung makakaya ba nilang mabuhay o hindi.

Hindi nagtagal at naging maayos naman na ang lahat. Unti-unting lumalakas ang apat na mga tuta at mas nadadagdagan pa ang kanilang mga timbang.

Sinong mag-aakala na dahil sa kabutihang-loob ng isang tao ay maililigtas pa ang aso na ito at ang kaniyang mga anak?